Monday, November 7, 2016

Si Kaks at Ang Tatlong Grace ng Kaniyang Buhay



Urban Fiction/ Street Lit/ Kuwentong Lansangan


Written in Reverse Chronological Order


Rated PG (May mga salitang hindi kaaya-aya at hindi para sa bata)


***


Madumi. Mabaho. Pinandidirian.


Nakangangang natutulog si Kaks sa pinagdikit-dikit na karton sa isang bangketa na tinatapunan ng mga basura ng tao. Mga basurang marumi sa paningin. Walang mapaglagyan kaya’t itinatambak na lang kung saan. Kagaya ng mga kalat sa tabi niya, sa paningin ng nakararami ay isa siyang basura. Taong grasa kung tawagin ng iba.


Nilalangaw ang marumi niyang katawan. Dinadaanan ng mga Manilenyong nagmamadali sa pagpasok sa kanilang trabaho. May ilang naghahagis ng barya sa tabi niya. Marahil ay naaawa sa kaniyang sitwasyon. Pero mas marami ang walang pakialam.


Nagising siya nang hampasin at murahin ni Mang Tikboy. “P*ki ng ina ka talagang baliw ka! Dito ka na naman umihi at tumae. Punyeta.”


Doon din kasi natutulog ang matandang pulubi. Ang usap-usapan, pinabayaan na ito ng mga anak dahil babaero raw noong araw. Kawawang matanda.


“O, tumayo ka na. Kainin mo ‘tong tira kong pansit.” sabay abot ng isang supot na may lamang pansit. Ganyan lang talaga ang bibig niyan, pero mabait naman. Ayaw pang aminin na binili talaga niya ang pansit para kay Kaks. Wala pa kasing bawas. Tumayo si Kaks pero hindi pinansin ang matanda. Naglakad siya papunta sa tapat ng isang hindi pa nagbubukas na establisyamento. Sinundan ko siya. Napansin ko na tumutulo na naman ang kaniyang luha. Ramdam ko ang lungkot sa kaniyang mga mata. Nakita ko kay Kaks ang isang taong tuluyan nang nawalan ng pag-asa sa buhay. Nakakalungkot pero isa si Kaks sa biktima ng masalimuot na mundo. Hindi ko alam pero nasanay na ako sa kaniya. Sa tuwing magigising siya, awtomatiko na ang kaniyang pag-iyak. Siguro dahil sa tatlong Grace na naging bahagi ng buhay niya.


***


“Grace!”


“Grace!”


Lahat ng babaeng maganda na makakasalubong ni Kaks, Grace ang tawag niya. Kapag lumingon, ngingitian niya. Ilalabas niya ang sira-sirang ngipin habang kukurap-kurap ang mga mata. Halos lahat, matatakot. Mandidiri, tatakbo at lalayuan siya. Maliban sa isa.


“Hi, Kaks. Sabi naman sa ‘yo, hindi Grace ang pangalan ko, e.” Tinanggap ng babae ang bulaklak na ninakaw pa ni Kaks sa Dangwa. Abot-langit ang ngiti niya. Masaya ako para sa kaniya dahil sa wakas ay may isang babaeng hindi siya pinandirihan. Kahit na simpleng pagtanggap lang ng bulaklak ang ginawa nito ay malaking bagay na ito para kay Kaks, para sa akin. Pero bigla na lang may bumato kay Kaks mula sa likod. Pinagsusuntok siya. Walang laban siyang binugbog ng tatlong kabataang lalaki. Walang awa siyang sinaktan. Nakatingin lang ang mga tao sa paligid habang pinagsisipa siya ng mga ito. Iyong ibang mga estudyante, parang tuwang-tuwa pa sa ginagawa kay Kaks. Mayroong kumukuha ng video. Iyong tindero ng sorbetes aawat sana pero biglang may bumili sa kaniya. Narinig ko ang pag-iyak ni Kaks at ang pagmamakaawa ng babaeng estudyante. Pero para silang walang puso dahil hindi nila tinigilan si Kaks hangga’t hindi sila nakakakita ng dugo. Tumigil lang sila noong hindi na gumagalaw si Kaks.


Inisip kong napatay nila si Kaks. Galit na galit ako, pero wala akong magawa. Nakita kong hinihila ng isang lalaki ang babaeng estudyante. Umiiyak ito habang papalayong tinatanaw ang walang malay na si Kaks. Hindi ko alam kung bakit ginawa iyon ng mga lalaki. Pero iyon na ang huling araw na nakita ko ang estudyanteng Grace. Iyon na rin ang huling araw na nakita kong ngumiti si Kaks.


***


“Grace!”


Tumatakbo akong lumapit kay Kaks. Hawak niya ang isang mangkok na puno ng mga tira-tirang pagkain. Pagkalapag na pagkalapag niya ay kaagad ko itong sinunggaban. Habang kumakain ako ay hinihimas-himas pa niya ang aking ulo.


“May trabaho na ako, Grace. Sa susunod, hindi na tira-tira ang kakainin mo,” masaya niyang balita sa akin. Nakaramdam ako ng tuwa, hindi dahil sa hindi na tira-tira ang kakainin ko. Mas higit ang aking kasiyahan dahil unti-unti nang nagkakaroon ng direksyon ang kaniyang buhay. Magandang senyales iyon dahil sa wakas ay dahan-dahan na siyang bumabangon sa pagkakadapa.


Dinilaan ko ang kaniyang kamay pagkatapos kumain.


Niyakap niya ako.


Parehas kami ni Kaks noong panahon na nadampot niya ako sa daan.


Mag-isa.


Malungkot.


Naliligaw.


Nagugutom.


Masuwerte ako dahil pinagtagpo kami ng tadhana. Nagkaroon ako ng pamilya. Mahal na mahal ko siya. At alam kong mahal niya rin ako. Sa kabila ng hirap na dinanas niya sa pakikipagsapalaran sa Maynila ay hindi niya ako kailanman pinabayaan. Ako ang kasama niya sa hirap at ginhawa. Ako ang kasama niya sa dilim at sa liwanag. Saksi ako sa mga sakripisyong ginawa niya para lang sa babaeng minahal niya higit pa sa kaniyang buhay. Si Grace.


Grace din ang ibinigay niyang pangalan sa akin. Para raw hindi niya makalimutan kung bakit siya nabubuhay. Kung bakit siya nakikipagsapalaran sa Maynila. Sa tuwing umiiyak si Kaks, si Grace ang dahilan. Ikinikuwento niya sa akin kung paano nagsimula ang kanilang pagmamahalan. Pero hindi ang pagtatapos nito. Una, hindi na puwede. Pangalawa, hindi na kailangan dahil saksi ako rito. Saksi ako noong gumuho ang kaniyang mundo dahil kay Grace.


Ilang beses niyang ikinuwento sa akin kung bakit siya lumuwas ng Maynila kahit alam niyang wala siyang matutuluyan. Dahil sa pag-ibig. Dahil kay Grace. Sabi niya, kapag true love daw kasi, dapat ipaglaban. Hindi dapat hinahayaang mawala. Kaya kahit na walang kasiguruhan, sinundan niya sa Maynila si Grace. Sumugod siya sa giyera na walang dalang baril. Kahit kutsilyo, hindi siya nagdala. Lahat ng trabaho, sinubukan niya para lang tumagal sa Maynila. Kahit ‘yong mga bagay na ni sa hinagap ay hindi niya naisip na magagawa.


“Psst.”


“Psst.”


“Pogi, nagpapach*pa ka?”


“O, ito ang isandaan. Sarap ng b*rat mo, a.”


Pagkatapos noon, pagsisisihan niya. Pero kapag kailangan na naman niya ng pera, papayag ulit siya. Nakatingin lang ako habang ginagamit siya nang paulit-ulit. Habang inaabuso ang kahinaan niya. Habang sinasamantala ang pangangailangan niya. Isang araw, nagmamadali siyang tumakbo dahil may nakita siya sa isang club na nadaanan namin. Sabi niya sa akin, dalian ko raw. Sumunod naman ako. Nilapitan niya ang isang magandang babae. Luwa ang dibdib at halos makita na ang singit sa iksi ng saluwal. Naninigarilyo ito habang nakatingin sa kawalan.


“Grace,” garalgal na sambit ni Kaks. Nagulat ang babae na parang nakakita ng multo. Itinapon nito ang hawak na yosi at tinapakan.


“Kaks?” Tumingin siya sa loob ng club at biglang hinawakan ang braso ni Kaks. Hinila siya nito hanggang sa mapunta sila sa isang eskinita na tabi ng isang mabahong kanal. Sumusunod lang ako sa kanilang dalawa.


“Anong ginagawa mo rito? Paano mo ako nahanap?” pagtataka ni Grace. Mahina lang ang boses nito. Parang may tinataguan. Hindi sumagot si Kaks. Niyakap niya si Grace. Hindi ko alam na umiiyak na pala siya. “Ang tagal kitang hinanap. Ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ito,” hagulgol ni Kaks.


Masaya na sana ako para sa kanilang dalawa pero napansin ko na iritable ang mukha ni Grace. Hindi niya gustong magpahanap. Hindi niya hinihintay ang pagkakataong iyon.


Bigla akong naawa kay Kaks. Gusto kong sabihin na hindi mali na nagmahal siya nang totoo. Mali lang siya ng minahal.


“Teka nga. May asawa na ako. Baka makita tayo.”


Nakita ko ang pagkagulat ni Kaks. Tumigil siya sa pagyakap kay Grace at biglang natulala. Lumapit ako kay Kaks. Dinilaan ang binti niya. Gusto kong iparamdam sa kaniya na palagi lang niya akong nasa tabi. Na hindi ko siya iiwan.


“Bakit?” matigas na tanong ni Kaks.


“Anong bakit?”


“Bakit hindi mo sinabi? Bakit hindi ka sumulat?” hagulgol niya.


“Para saan pa? Kaya nga nagpunta ako ng Maynila para iwanan ka.”


Sa narinig kong iyon mula kay Grace, gusto ko siyang sakmalin. Gusto kong ipaghiganti si Kaks. Pero alam kong ayaw ni Kaks na masaktan ang babaeng pinakamamahal niya kaya hindi ko ginawa.


Tumalikod si Kaks. Umiiyak habang naglalakad. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya, pero sigurado ako na nasasaktan ang puso niya. Nakayuko siyang tumawid ng kalsada. Umiiyak pa rin. Nakarinig ako ng isang napakalakas na busina mula sa aking kanan. Nakita ko ang isang paparating na truck at mahahagip nito si Kaks. Dali-dali akong tumakbo upang iligtas ang taong nag-alaga sa akin. Ang taong nagmahal sa akin. Ang taong nagbigay sa akin ng buhay. Sinunggaban ko siya kaya’t natumba siya at masuwerteng nakaligtas sa aksidente.


Pero ako. Nahagip ako ng truck na muntik nang kumitil sa buhay ni Kaks. Tumalsik ako sa malayo at nagpagulong-gulong. Pinilit kong lumaban. Pinilit kong mabuhay. Ayaw ko kasing iwan si Kaks sa panahong kailangan na kailangan niya ako. Gusto ko siyang samahan sa lungkot. Sa pighati. Sa sakit. Pero siguro nga, hanggang doon na lang ang papel ko sa buhay niya.


Pilit akong isinasalba ni Kaks, pero unti-unti na akong nanghihina. Iyon ang unang beses na nakaramdam ako ng lungkot sa ilang taon naming pagsasama. At ang pagkakataong iyon ang huling beses na nakita kong matino si Kaks.

No comments:

Post a Comment