Monday, November 7, 2016

Ang Kuwento ni Jude



Written by: Michael Joe Gerona


Deviance (Kuwentong taliwas sa nakasanayan ng mga tao)


All Rights Reserved 2016


***


Nagising ako sa malakas na pagdagundong ng paligid. Hudyat ito na matatapos na ulit ang isang buwang tag-gutom at tag-tuyot. Isang linggo muli kaming magiging sagana sa karne at malinis na tubig. Ibig sabihin ay hindi na ako magtitiis sa sarili kong ihi.


Hindi ko alam kung bakit kailangan naming mga Kristiyanong magtago, lumayo at manirahan sa ilalim ng lupa. Sinasabi ng pinakamaimpluwensyang relihiyon sa mundo, ang Satanismo, na dito kami nararapat.


Sa ilalim.


Sa impiyerno.


Sila lang ang may karapatang manirahan sa langit, kasama ang kanilang Diyos. Habang kami ay makatatanggap ng walang hanggang pasakit. Kami ay parurusahan sa hindi namin pagyakap sa kanilang paniniwala. Pero hindi pa ba pasakit ang nararanasan namin ngayon? Hindi pa ba ito ang impiyerno? May mas sasahol pa ba rito?


Nagsindi ang aming Santo Papa ng sulo para sa mga bisita. Para sa mga bisita lamang. Maski kasi ito ay tinitipid namin para paghandaan ang pagdating ng tulong mula sa mga tagalabas. Ngunit para sa akin ay hindi iyon tulong na maituturing, dahil ang pagbibigay nila ng aming pangangailangan ay may hinihinging kapalit. At ito ay ang pagtanggap namin sa kanilang Diyos.


Nagsimula nang basahin ni Sister Lilith ang sariling bersyon ng kanilang bibliya. Ang pangunahing laman ng kaniyang pangaral ay patungkol sa tunay at matagal nang nawawalang bersyon ng bibliya. Ito raw ay natagpuan sa Israel at sinasabi roon na si Hesus ay isa lamang pekeng mensahero. Ang Diyos na ipinakilala Nito sa lahat ay isang huwad. Dagdag pa niya, ang lahat ng milagrong nagawa ni Hesus ay isang malinaw na palabas lamang. At ang tanging makapagliligtas sa aming mga kaluluwa ay ang pagsanib sa kanilang relihiyon.


Sa pagtatapos ng kanilang pangaral ay sinabi niya, ‘’Ang kampon ng kasamaan ay magaling manlinlang.” Katulad iyon ng sinasabi sa akin ni Itay noong nabubuhay pa siya. Na gagawin ng iba ang lahat para lamang linlangin at pagsamantalahan ang aking pananampalataya. Dahil sa matibay ang paniniwala ay hindi nila maimpluwensyahan ang nakararami sa amin. Pero habang nagsasalita si Sister Lilith, napaisip ako. Paano kung totoo ang lahat ng sinasabi niya? Paano kung kami pala talaga ang nalinlang?


Panandaliang naalog ang aking pananampalataya. Dahil na rin siguro sa kagustuhan kong makalaya sa madilim na mundong kinasasadlakan ko. At dahil na rin siguro sa kagustuhan kong makita ang ibang anggulo ng buhay na mayroon sa ibabaw ng lupang kinalakihan ko. Noong tanungin ni Sister Lilith kung sino ang boluntaryong sasama upang tanggapin ang kanilang relihiyon ay lakas-loob akong nagtaas ng kamay. Wala na rin naman ang aking pamilya. Patay na si Itay, habang ang Ina ko naman ay namatay sa panganganak. Tanging sa larawan ko na lamang siya nakita. Kaya kung tutuusin, wala na akong dahilan upang manatili pa rito. Matagal na akong nagtitiis. At sawang-sawa na ako.


Napansin ko ang malaking ngiti na gumuhit sa labi ni Sister Lilith. Masayang-masaya siya sa naging desisyon ko. Iyon kasi ang kauna-unahang may nagboluntaryo sa grupo namin. Kasabay noon ay ang kalungkutang nangibabaw sa mukha ng mga dati kong kasamahan sa pagiging Kristiyano. Pero tinanggap na rin nila dahil kung walang magboboluntaryo ay sapilitan silang kukuha ng isa sa amin.


Lumapit silang lahat sa akin at binigyan ako ng isang mahigpit na yakap. Isang yakap ng pamamaalam. Alam kong malabo ko na silang makita pang muli oras na i-apak ko ang aking mga paa sa ibabaw ng lupa. Tanging mga alagad lamang ng simbahan ng Satanismo ang may karapatang pumunta sa ilalim upang manghikayat.


Pilit kong inaalis sa aking dibdib ang kirot na nararamdaman ko. Marahil dala iyon ng naglalaban kong konsensya. May parte kasi ng utak ko ang nagsasabing, hindi dapat ako nagpadalos-dalos. Pero nandito na ito. Kailangan kong panindigan ang naging desisyon ko. Sakay ng tinatawag nilang karawahe ay naglakbay kami patungo sa simbahan na aking magiging tirahan. Pinagbawalan ako ni Sister Lilith na sumilip sa bintana at pagmasdan ang kapaligiran. Hangga’t hindi raw ako nabibinyagan ay mahigpit na ipinagbabawal na makita ang itinuturing nilang bagong paraiso.


Nakatulog ako sa biyahe at nang magising ay nasa loob na ako ng kanilang simbahan. Hindi ko inasahan na ganoon pala kaganda ito. Ang buong paligid ay punong-puno ng mga ulo ng usa. Buhay na buhay ang hitsura ng mga ito na para bang nakikipag-usap sa iyo. Nang tingnan ko ang aking tinatapakan ay napansin ko ang kaaya-ayang itim at puting mga parisukat. Sa aking harapan ay isang napakalaking krus na nakabaliktad.


Mayamaya ay lumapit sa akin ang isang matandang lalaki. Kasunod niya si Sister Lilith at tatlo pang lalaki. May hawak silang timba at ang isa naman ay ginintuang punyal. Lahat sila ay may itim at mahabang kasuotan.


“Siya ba ang magiging bago nating kapatid?” tanong ng matandang lalaki kay Sister Lilith. “Opo,” matipid nitong sagot. “Ipasok ang traydor at simulan na natin ang seremonya ng pagtanggap.”


Isang malaking katanungan ang pumasok sa aking isipan. Sino ang traydor na tinutukoy niya at anong kinalaman niya sa gaganaping pagtanggap sa akin bilang isang Satanista?


Kaagad akong kinabahan sa maaaring mangyari. Hindi nagtagal ay isang tao ang hila-hila ng mga lalaking naka-itim. Nagpupumiglas siya ngunit wala siyang magawa upang makatakas dahil nakatali ang kaniyang mga paa’t kamay. Ang kaniyang ulo ay may nakatalukbong na itim na tela.


Lumapit sa akin ang matandang lalaki at si Sister Lilith na hawak ang ginintuang punyal. Bumigkas ang matandang lalaki ng isang dasal at inilubog ang punyal sa isang kopitang puno ng dugo. Iniabot niya ito sa akin at inutusang patayin ang sinasabi niyang traydor.


Hindi ako kaagad nakagalaw dahil sa pagkabigla. Hindi iyon ang inaasahan kong mangyayari at hindi ko ginustong pumatay para lang patunayan ang aking pananampalataya. Mali ang lahat ng nangyayari. Maling-mali.


“Hindi ko kaya,” lumuluha kong pagtanggi sa iniuutos niya.


“Alam kong hindi mo kaya. Pero oras na makilala mo kung sino ang taong ito, sigurado akong kakayanin mo. At gugustuhin mo siyang patayin,” makahulugang tugon ng matandang lalaki.


Hinila niya ang telang nagsisilbing takip sa mukha nito. At laking gulat ko nang makilala kung sino iyon.


Si Inay. Pinatanda na siya ng panahon ngunit alam kong siya iyon.


Halos pagbagsakan ako ng langit at lupa. Buong buhay ko pala ay hindi naging tapat sa akin si Itay. Hindi ko alam ang dahilan niya ngunit masakit para sa akin ang paniwalain sa isang bagay na sa huli ay malalaman kong hindi naman pala totoo. Ang sakit. Ang sakit-sakit. At ngayon, naiintindihan ko na. Iniwan ng babaeng nasa harapan ko ang pamilya niya upang takasan ang mahirap na buhay sa ilalim ng lupa. Tinalikuran niya ang sariling pananampalataya at kinalimutan ang obligasyon para lamang makaranas ng ginhawa. Ngayon alam ko na kung bakit ako nandito ngayon. Dahil nagmana ako sa kanya. Handang talikuran ang lahat sapagkat ayaw nang magtiis sa hirap.


Dali-dali kong kinuha ang punyal at itinarak sa kaniyang dibdib. Tumutulo ang luha niya habang nakatitig sa akin. Iniwas ko ang aking tingin dahil ayaw kong magsisi.


Iyon ang nararapat sa kaniya. Ang mamatay! Hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko. Para iyon sa pag-iwan niya sa akin. Sa amin.


Pero bakit walang tigil ang pagpatak ng luha ko? Bakit parang kinukurot ang puso ko? Pilit kong sinasabi sa aking sarili na hindi ko dapat pagsisihan ang aking ginawa. Pero bakit ayaw tumigil ng punyetang luhang ito?


“Isa ka nang ganap na Satanista,” ani ng matandang lalaki, sabay tawa nang malakas. “Satanista.”


“Satanista.”


“Satanista.”


“Satanista.”


Paulit-ulit na umalingawngaw sa aking isipan ang katagang iyon. Para akong nakalutang sa ulap. Umiikot ang mundo. Wala sa sarili.


Patuloy pa rin ang pagbagsak ng aking mga luha. Napagtanto ko bigla na hindi iyon ang itinuro sa akin ni Itay noong bata pa ako. Sinabi niya sa akin na huwag akong magtatanim ng galit sa aking puso, dahil magdudulot iyon ng trahedya. At ito na nga, nangyari na.


“Hindi,” bulong ko.


“Hindi ako isang Satanista! Ibalik niyo ako sa ilalim! Ayaw ko na rito!” Hindi ko napigilan ang aking sarili. Gusto kong tumakbo. Gusto kong tumakas.


“Isa ka ring traydor! Katulad ka rin ng iyong ina!” panggagalaiti niya. “Ipasok ‘yan sa rehas!” Dali-dali akong hinawakan ng dalawang lalaki. Nagpupumiglas ako ngunit masyado silang malakas para sa akin. Wala akong nagawa kung hindi ang lumuha at magsisi.


“Sister Lilith, dalhin mo ang katawan ng babaeng ito sa imbakan. Ipapakain natin iyan bukas sa mga Kristiyano.”


“Opo, mahal na Lucifero,” tugon nito.


Kaya pala buwan bago nila kami bigyan ng tulong, para gutom na gutom kami. Para hindi na namin alintana kung saan galing ang aming kakainin.


Dinala nila ako sa isang maliit at madilim na kuwarto. Masikip. Mabaho. Parang bumalik ang lahat sa akin noong nasa ilalim pa ako ng lupa, ang kaibahan lang, ngayon ay mag-isa lamang ako. Sa tuwing ipinipikit ko ang aking mga mata ay nakikita ko ang aking ina habang lumuluha ng dugo. Nakatitig sa akin. Kinokonsensya ako.


***


Natauhan na lang akong may nakatalukbong sa aking mukha at may busal ang bibig. Kinakaladkad nila ako na para bang isang hayop. Narinig ko na lang ang mga boses nina Sister Lilith at ng matandang lalaki. Parang naulit lang ang mga nangyari noong oras na pinatay ko ang aking ina. Ngunit ngayon, ako naman ang papatayin.


Mayamaya pa ay may nagtanggal ng talukbong sa mukha ko. At nakita ko kung sino ang taong tumalikod sa pagiging isang Kristiyano. Ang taong kagaya ko na nagsawa na sa hirap ng buhay sa ilalim ng lupa. Ag taong papatay sa akin upang maging ganap na Satanista. Ang aming Santo Papa.


Nakita ko ang kagustuhan niyang patayin ako. Nakita ko iyon sa nag-aalab niyang mga mata. Itinarak niya ang punyal sa aking katawan nang paulit-ulit. Sa dibdib. Sa tiyan. At sa dibdib ulit.


Naramdaman ko ang bawat pagtarak nito. Pero hindi ako nasaktan. Tinanggap ko iyon dahil iyon ang nararapat sa katulad kong tumalikod sa pananampalataya. Iyon ang nararapat sa katulad kong pinatay ang sariling ina.


Unti-unti akong nanghina at tuluyan na ngang bumagsak sa sahig. Hinahabol ko ang aking hininga habang nanlalabo ang paningin.


Bago ko ipikit ang aking mga mata ay nakita ko ang aking mga magulang. Magkasama. Inilahad ni Inay ang kaniyang kamay at inabot ko naman ang sa akin. Nang magdikit ang aming mga kamay ay bigla akong nakakita ng pangitain.


Nakita ko ang aking ina na umiiyak, hawak ang isang sanggol. At ang sanggol na iyon ay walang iba kung hindi ako.


“Ako na lang. Ako na lang ang kunin ninyo,” sigaw ni Inay.


Bigla na lang nawala ang pangitain at bumalik ako sa paghihingalo. Hinang-hina man ako ngunit ramdam ng puso ko ang pagsisisi. Hindi ako iniwan ni Inay. Hindi niya kami iniwan. Bagkus ay nagsakripisyo siya para sa akin.


“Diyos ko, patawarin ninyo ako sa nagawa kong kasalanan. Tinalikuran ko kayo. Ikinahiya. Pinagdudahan. Hindi ako karapatdapat na maging anak ninyo. Hindi ako karapatdapat sa kaharian ninyo. Alam kong huli na, pero buong puso akong humihingi ng kapatawaran sa inyo.”


***


Nagising ako sa isang lugar na hindi sa akin pamilyar. Tumayo ako at pinagmasdan ang kabuuan ng paligid. Nabuhay ako sa dilim kaya’t nabighani ako sa taglay na ganda nito. Ang buong lugar ay puno ng mga damo’t bulaklak na sumasayaw kasabay ng pag-ihip ng hangin. Ang mga ibon ay malayang nakalilipad sa himpapawid.


Nakita ko sina Inay at Itay na palapit sa akin. Nakangiti. Maaliwalas ang mukha.


“Patawarin niyo po ako,” buong puso kong paghingi ng tawad.


“Hindi mo kailangang humingi ng kapatawaran sa amin. Sapat na ang paghingi mo ng tawad sa Kanya,” masayang tugon ni Inay sabay yakap sa akin.


“Sumama ka sa amin. Mabubuhay tayo ng magkakasama at mapayapa sa kaharian Niya,” si Itay. Niyakap ko siya nang mahigpit.


“Hindi ako karapatdapat.”


“Walang sinuman sa atin ang karapatdapat. Pero dahil mahal ka niya, mahal niya tayo, bukas ang pintuan ng kaniyang tahanan para sa ating lahat.”


Hinawakan nila ang aking magkabilang kamay at sabay-sabay kaming naglakad patungo sa lugar na sinasabi nila. Masaya. Punong-puno ng pag-asa at pagmamahal. Kahit sa huling saglit ng aking buhay, bumalik ang pananampalataya at pagmamahal ko sa Kaniya.

No comments:

Post a Comment