Thursday, November 10, 2016

ANG MUNDO SA PANINGIN NG LIGAW NA GAMUGAMO

Buhay na buhay ang kahabaan ng Ermita sa Maynila. Naglipana ang mga gamugamong sabik sa liwanag. Mga gamugamong nagbibigay ng aliw kapalit ay baryang papawi sa kanilang gutom kinabukasan.

Makikita mo ang iba't-ibang klaseng putahe na nakahain sa gilid ng kalsada. May buto-buto, may masebo, may mga makunat na pero may asim pa kahit papaano, at ang pinakamabenta sa lahat, ang mga sariwa.

Nagdiwang ang mga babaeng nagbebenta ng laman nang dumating ang isang itim na sasakyan.

Dahan-dahan itong umandar na para bang sinisipat ang bawat kababaihan na mamamataan. Kaagad na lumapit dito ang isang matandang binabae na kilala bilang Tita Sweet. Kaunting usap at kaunting bola lang, nagkasundo na ang dalawa.

Bumalik si Tita Sweet sa gilid ng kalsada at isa-isang nilampasan ang mga babaeng animo'y uhaw sa tubig at gagawin ang lahat, makainom lamang, ngunit bigo silang makakuha kahit na isang patak.

Dumiretso ito sa isang sulok kung saan nanginginig na nakaupo si Magdalena, siya ang nagustuhan ng parokyano. Agaw pansin ang kakaiba niyang alindog. Idagdag mo pa ang mala-anghel niyang mukha.

Unang gabi niya kaya hindi niya alam ang gagawin. Wala siyang alam sa kalakaran kaya't makikita mo sa kaniyang mga mata ang takot at pag-aalinlangan.

"Sige na, huwag ka nang mag-dalawang isip pa. Malaki ang ibinigay niya para sa serbisyo mo. Hindi ba't kailangan mo ng pera? Ito na, huwag mo nang palampasin pa."

Tumayo si Magdalena at huminga nang malalim, humugot ng lakas ng loob.

"Kaya mo ‘to, Magdalena. Dapat mong kayanin," bulong niya sa sarili.

Dumiretso siya sa itim na kotse na lulan ang lalaking nakausap ni Tita Sweet at kaagad niyang binuksan ang pinto.

Inalis niya ang lahat ng takot sa sarili at inihandang madungisan ang pagkatao. Sumakay siya sa kotse, sa tabi ng lalaki.

"Hindi ako magpapahalik. Kapag nakaraos ka na, tama na. Aalis na ako," matigas at matapang niyang bungad sa lalaki.

"Huwag kang mag-alala, hindi ako humahalik sa maruming babae na kagaya mo."

Napakunot ng noo si Magdalena dahil sa pang-iinsulto na iyon.

Akma na siyang lalabas ng sasakyan ngunit mabilis na ikinulong ng lalaki ang kaniyang kaliwang kamay gamit ang isang posas.

Bumilis ang tibok ng kaniyang puso at nagtaka sa mga nangyayari. Nilingon niya ang lalaki at nakita niyang nakangiti ito. Ibinaling niya ang tingin sa lugar kung saan niya iniwan si Tita Sweet. Nakita niya na nagkakagulo ang mga kababaihan sa labas. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang napakaraming mga pulis. Lahat ng babae ay dinakip kasama ang kanilang bugaw.

Police Operation. Nalinlang sila.

"Sir, hindi ako talaga nagbebenta ng laman! Nagawa ko lang 'to kasi kailangan ko ng pera." Bumuhos ang luha ni Magdalena. Nangingnig na siya sa sobrang takot at kaba. Pilit siyang kumakawala sa bakal na nakagapos sa kaniyang kamay ngunit mas lalong humihigpit ang kapit nito sa tuwing nagpupumiglas siya.

"Lumang litanya na iyan. Sa presinto ka na lang magpaliwanag." Mabilis na pinaandar ng lalaki ang kanilang sinasakyan.

***

Nakakapagod nang mabuhay.

Nakakapagod nang gumising araw-araw na wala kang dahilan upang magpatuloy.

Hindi ko alam pero sa tuwing gigising ako sa umaga ay tatanungin ko ang Diyos—kung meron man—bakit pa ba niya ako ginigising araw-araw? Tutal, wala namang kuwenta ang buhay ko.

Bakit pa niya ako hinahayaang mabuhay sa mundong ito?

Nakakasawa na.

Pinagsisisihan kong lumaban pa ako at nabuhay.

Ilang beses ko nang sinubukang magpakamatay pero palagi na lang akong nagigising na buhay pa.

Lima. Sampu. Labing-dalawa.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses nang naunsyami ang ninanais kong kamatayan.

Minsan nga, dumating sa puntong napagod na akong magpakamatay.

Pero mas nakakapagod ang mabuhay.


Nakatitig si Magdalena sa kawalan. Malalim ang iniisip na maging siya ay hindi kayang makaahon sa sobrang lalim nito. Nakaupo siya sa isang maliit na papag. Umiiyak. Nagmumukmok.

Sa kaliwa nito ay may isang lamesita na may nakapatong na isang platong puno ng nilagang saging na saba at isang basong tubig.

Tiningnan lamang niya ito at pumunta na sa kusina. Dumiretso siya sa mga boteng nakahilera sa ilalim ng lababo. Lumuhod siya at isa-isang tiningnan ang mga ito. At nang makita niya ang pakay ay kaagad niya itong hinawakan at dinampot.

Matalim na titig ang ipinukol niya sa hawak na bote.

Ito na.

Ito ang susi upang hindi ko na maranasan ang sakit na idinulot sa akin ng mapanlinlang na mundong ito. Alam kong kapag ininom ko ito, matatapos na ang paghihirap ko.

Hindi ako natatakot mapunta sa impiyerno. At mas lalong hindi ako natatakot sa mga demonyong makakasalamuha ko roon. Dahil dito pa lang, maraming demonyo na ang nakaharap ko. At mas masahol pa sa impiyerno ang naging buhay ko.

Langit? Walang langit. At mas lalong walang Diyos.

Ang Diyos ay ginawa lamang para may katakutan ang mga taong mangmang.

Dahil kung may Diyos, hindi niya hahayaang maging miserable ang buhay ko.

Hindi niya ako hahayaang mag-isa sa dilim.


Walang patumanggang ininom ni Magdalena ang boteng hawak. Wala siyang itinira upang masigurado ang kaniyang kamatayan.

Hinintay niya ang pag-init ng kalamnan. Hinintay niyang mahirapan sa paghinga. Hinintay niya ang pagtigil ng tibok ng kaniyang puso. Pero ilang minuto na ang lumipas, wala siyang naramdaman na kahit ano.

Katulad ng dati, buhay pa rin siya. Humihinga. Nakakapag-isip.

Bigla siyang nakarinig ng mahinang hagikgik mula sa kaniyang likuran.

Siya na naman!

Halos umusok ang ilong ni Magdalena nang marinig ang mga hagikgik na iyon mula sa taong itinuturing niyang peste sa kaniyang buhay. Si Hope.

Ilang beses na itong naging sagabal sa tangka niyang pagpapakamatay. At dahil doon ay tuluyan nang naubos ang natitira niyang pasensya.

Binitawan niya ang hawak na bote. Marahas siyang lumingon upang bigyan ito ng leksyon. Leksyon na makakapagpatigil dito sa madalas na pangingialam.

"Ano bang problema mong bata ka? Ilang beses ko na bang sinabi sa iyo na tantanan mo na ako?” sigaw niya na halos lumuwa na ang mata at pumutok na ang mga ugat sa leeg sa sobrang galit. Ngunit imbes na matakot ay tinawanan lamang siya nito.

"Ano ang tinatawa-tawa mong punyeta ka!?" Tuluyan nang naubos ang katiting na pasensyang natitira sa kaniya. Akma na niyang sasaktan ang bata ngunit bigla itong nagsalita kaya’t muli siyang nahimasmasan.

"Tama na Ate Ganda. Ikaw naman kasi e, tubig lang ‘yang ininom mo." Hindi pa rin ito tumitigil sa kakatawa na mas lalong ikinapikon ni Magdalena.

"Alam ko naman kasing darating ang panahon na maiisip mong laklakin ‘yang asido kaya inunahan na kita." Nagpantig ang tainga niya nang marinig ang sinabi nito.

"Anong sinabi mo? Wala ka talagang ibang kayang gawin kung hindi ang pakialaman ako!" Lumapit si Magdalena sa bata at hinila nang marahas ang kanang braso nito. Hindi niya alintana ang patpatin nitong katawan. Hinila niya ito papuntang pinto upang palabasin.

"Ate Ganda, tama na. Nasasaktan ako," pagmamakaawa ng pobreng bata. Nagpupumiglas ito pero patuloy ang paghila niya rito palabas ng bahay.

"Hindi lang 'yan ang aabutin mo kapag hindi ka lumayas sa pamamahay ko." Hindi niya alam kung saan siya humugot ng lakas ng loob upang sabihin iyon. Sa ilang taon kasi nitong pangungulit sa kaniya, hindi pa niya ito napagbuhatan ng kamay at mas lalong hindi niya pa ito sinubukang palayasin.

Napansin ni Magdalena ang pamumuo ng mga luha sa mata ni Hope. Kasabay noon ay ang pagtigil nito sa pagpupumiglas.

"Kapag lumayas ba ako, ititigil mo na yang kahibangan mo? Ititigil mo na ‘yong pagpapakamatay mo?" Tinanggal niya ang pagkakahawak kay Hope. Itinigil niya ang paghila rito. At maging siya mismo ay natigilan din. Napasandal siya sa pader at tiningnan ang boteng nasa lapag.

"Bakit ba kasi gustong-gusto mong mamatay?" tanong ni Hope sa kaniya.

"Wala kang pakialam." Hindi niya matingnan ang bata. Bigla siyang nakaramdam ng hiya sa sarili.

"Alam mo bang kasalanan ‘yon sa Diyos?"

Lumingon siya sa kinaroroonan ni Hope at tiningnan ang inosente nitong hitsura. Sa isip-isip ni Magdalena, sa edad nitong labing dalawang taon, malamang wala pa itong alam sa buhay kaya hindi siya nito maiintindihan kahit kailan. Hindi nito alam kung ano ang baho ng mundo. Hindi nito alam kung anong dilim ang bumabalot dito.

"Walang diyos," natatawang sagot ni Magdalena. Naaawa siya kay Hope dahil hindi nito kilala ang mundong ilang beses na siyang binigo.

"Meron Ate Ganda, meron." Napansin kaagad ni Magdalena ang mahinang paghikbi ng batang kausap.

"Walang diyos. Dahil kung meron, hindi niya ako papabayaan. Hindi niya hahayaang mawala ang lahat sa akin! Hindi niya ako bibigyan ng sunog na mukha! At hindi niya kukunin ang anak ko!" Walang patid ang pagpatak ng kaniyang mga luha.

Bumalik na naman sa kaniya ang pait ng nakaraan.

Ang gabing ilang beses niyang pinagsisihan dahil umalis siya sa tabi ng anak na noo’y nakaratay sa ospital.

Sinisisi niya ang sarili dahil wala siya sa tabi ng anak noong naghihingalo ito.

Araw-araw, pakiramdam niya ay hindi siya naging mabuting ina. Pakiramdam niya ay wala siyang kuwentang tao.

Kasabay noon ay bumalik ang mapait niyang karanasan sa kamay ng mga pulis na ilang gabi siyang pinagsawaan.

***

Matapos siyang iposas sa sasakyan ay dinala siya sa isang bodega kung saan naghihintay ang mahigit sampu nitong kasamahan kung saan siya paulit-ulit na binaboy at ilang araw na pinagpasa-pasahan.

Parang awa niyo na. May sakit ang anak ko, kailangan niya ako ngayon. Pakawalan niyo na ako. Ilang beses siyang nagmakaawa ngunit hindi nakinig ang mga ito sa kaniya.

Ilang beses niyang sinubukan kung may natitira pa bang kabutihan sa mga ito. Pero nilamon na ng makamundong pagnanasa ang kanilang mga konsensya.

Hindi pa nakuntento ang mga ito dahil habang wala siyang malay ay sinabuyan nila ng gas ang buong paligid, maging ang kaawa-awang si Magdalena. Isang naglalagablab na apoy ang tumupok sa bodegang naging saksi sa kahayupang ginawa nila. Nagising si Magdalena dahil sa sobrang init ng paligid. Nakita niyang nilalamon na ng apoy ang buong lugar. Wala siyang lakas upang bumangon. Wala siyang magawa kung hindi ang umiyak at magdasal. Ilang beses niyang tinawang ang pangalan ng Panginoon. Umaasa na matapos na ang madilim na gabing iyon.

Nagkamalay siya matapos ang ilang araw na pagkakaratay sa ospital.

Nabuhay siya. Pero ang maganda niyang mukha ay sinira ng sunog na iyon.

Ramdam na ramdam pa rin niya ang pagkawasak ng kaniyang pagkababae, higit sa lahat, ang kaniyang pagkatao.

Pero hindi doon natapos ang pagpapahirap sa kaniya ng tadhana dahil isang balita ang mas lalong nagpaguho ng kaniyang mundo. Namatay ang kaniyang anak noong gabing nasusunog ang bodega kung saan siya nakitang halos wala nang buhay.

Sabi ng mga doktor na gumamot sa kaniya ay himala pang nabuhay siya sa kabila ng pinsalang natamo. Pero para kay Magdalena, ang paggising niya mula sa isang bangungot ay hindi maituturing na isang himala, kundi isang mas malala at nakakatakot na bangungot.

***

"Kung totoong may Diyos, bakit walang kuwenta ‘yang buhay mo? Bakit ka iniwan ng mga magulang mo? Bakit nandito ka sa bahay ko at ipinagsisiksikan ang sarili mo?” panunumbat niya. Tiningnan lang siya ni Hope at pilit ipinapakitang hindi ito naaapektuhan sa sinasabi niya.

“Alam mo, ikaw ang malas sa buhay ko e. Kung hindi ka lang pakialamera, matagal na akong patay. Matagal ko nang natakasan ang walang kuwenta kong buhay!"

Bigla itong tumayo at tinapunan ng isang makahulugang tingin si Magdalena. Isang tingin na puno ng hinanakit at pagtataka.

"Hindi totoong walang kuwenta ang buhay ko, Ate Ganda. Kasi noong nakilala kita, nalaman ko na masuwerte ako. Kaya kahit ano pang problema ang nararanasan ko, hindi ako nawawalan ng pag-asa." Nagsimulang bumuhos ang mga luha nito.

"Kung sa tingin mo, ako ang malas sa buhay mo. Aalis ako. Pero gusto ko lang malaman mo na mahal na mahal kita, Ate Ganda.”

Hindi alam ni Magdalena ang isasagot sa bata. Pakiramdam niya ay dinudurog ang puso niya sa bawat salitang binibitiwan nito.

"Kahit ano pang sabihin mo, pinabayaan niya ako! Tinalukiran niya ako!” matigas niyang tugon kahit pa lahat ng sinabi nito ay tumatagos sa kaniyang kaluluwa.

"Pinipilit mo na walang Diyos kasi iniisip mo na pinabayaan ka niya. Hindi ka niya pinabayaan, masyado ka lang nagmamataas at nagmamatigas kaya bulag ka sa mga ibinibigay niya sa iyo. Kahit kailan, hindi ka Niya tinalikuran. Ikaw ang tumalikod sa Kaniya," patuloy pa ni Hope

Hindi na siya nakapagsalita pa. Sinampal siya ng mga katotohanang sinabi nito. Hindi siya makapaniwala na ang nagsabi no’n sa kaniya ay isang bata.

Nakita na lang niyang tumatakbo na ito papalayo. Nakayuko at nagpupunas ng luha sa mga mata. Hindi niya maintindihan ang sarili ngunit biglang bumalik sa kaniya ang bigat ng pakiramdam noong mawala ang kaniyang anak.

Tumayo siya upang sundan at pigilan sa pag-alis si Hope ngunit hindi pa man siya nakakatayo ay nanlambot na ang kaniyang mga tuhod sa nasaksihan. Halos mawalan siya ng ulirat. Kitang-kita ng kaniyang dalawang mga mata ang pagbunggo ng isang truck sa katawan ng patpating si Hope.

Wala siyang nagawa kung hindi pagmasdan ang mga taong nagkakagulo sa nakahandusay na katawan ni Hope sa kalsada. Sa kapal ng tao ay tuluyan na niya itong hindi nakita.

Napaluhod na lang siya sa sobrang panlulumo. Gusto niya itong lapitan ngunit naduduwag siya. Siya ang may kasalanan kung bakit ito umalis at nadisgrasya.

Umiiyak niyang tinanaw ang pag-alis ng ambulansyang nagdala kay Hope.

***

Ilang oras lang ang lumipas ay parang sinisilihan na ang puwit ni Magdalena. Hindi siya mapakali at panay ang isip ng paraan kung paano siya makakapunta sa ospital nang hindi nakikita ng mga tao. Gusto niyang malaman kung ano na ang kalagayan ni Hope. Sa loob ng ilang taon, ngayon lang ulit siya nag-alala nang sobra.

Kinuha niya ang balabal na regalo sa kaniya ni Hope noong kaniyang kaarawan. Tinakluban niya ang mukha gamit ang balabal at huminga nang malalim. Handa na siyang harapin ang mundong ilang taon niyang iniwasan. Handa na niyang harapin ang mga taong kinatakutan niya nang mahabang panahon.

Noong makatapak siya sa ospital na pinagdalahan kay Hope ay kaagad siyang nagtanong kung saang kuwarto dinala ito. Itinuro naman ito sa kaniya ng nars na nakausap. Bawat hakbang ay matinding kaba ang kaniyang nadarama. Parang hindi niya kayang makita ang kalagayan nito na siya mismo ang may kasalanan.

Noong makarating siya sa pasilyo kung nasaan ang kuwartong sinabi ng nars ay awtomatiko siyang napatakbo at kaagad na hinanap ang kaniyang sadya. Hanggang sa mapahinto siya sa tapat ng ICU at napansin niya ang isang lalaki na nakatingin sa loob nito. Mula sa salamin ay nakita niya ang kalunos-lunos na kalagayan ni Hope. Maraming tubo ang nakakabit sa katawan nito at panay galos ang balat.

Muling bumuhos ang mga likidong kanina pa nagbabadya.

"Ikaw ba ang Ate Ganda ni Hope?" Nagulat siya dahil biglang nagsalita ‘yong lalaki. Kaagad niya itong nilingon pero hindi siya nagsalita.

"Ikaw nga, walang duda. Ako nga pala si Father Marcelito. Palagi ka niyang ikinikuwento sa akin. Kasama ‘yang pagiging masungit mo," nakangiting kuwento ng lalaki. Hindi niya kilala ang pari dahil ilang taon na ang lumipas noong huli siyang magpunta ng simbahan.

"Mahal na mahal ka niya. Palagi ka niyang ipinagmamalaki sa akin.” Tumingin siya sa pari at hindi napigilan ang pagluha. Walang anumang salita ang lumabas sa bibig niya, pero gustong-gusto niyang sabihin na mahal na mahal din niya ito.

“Siguro nagtataka ka kung paano ko siya nakilala 'no? Parati kasi siyang nasa labas ng simbahan. Nanlilimos. Minsan naman ay tumutulong siya sa aming maglinis," patuloy nito. Patuloy rin ang pag-agos ng kaniyang mga luha.

“Alam mo, maganda ang pagmamalaki mo sa iyong kapatid. Bilib ako sa kabutihan ng kaniyang puso. Hinahati niya ang kita niya sa buong araw na pamamalimos. Ang kalahati, ibinibigay niya sa simbahan. At ang kalahati, para sa iyo raw. Para may pagkain kayo at mayroon kang pambili ng gamot.”

Hindi siya nakakibo. Halos matunaw siya sa sobrang kahihiyan.

Tumakbo siya at tinalikuran ang pari dahil ayaw na niyang marinig pa ang mga susunod nitong sasabihin. Ayaw niyang marinig kung gaano siya kawalang-kuwentang tao.

Ang sama ko.

Ang sama-sama ko.

Ang tanga ko dahil inisip ko na walang nagmamahal sa akin. Na mag-isa na lang ako. Na wala na akong dahilan upang mabuhay.

Hindi ko kaagad nakita si Hope.

Hindi ko nakita ang hirap at sakripisyo niya para lang mapangiti ako. Pero ipinagdamot ko sa kaniya iyon.

Ang tanga ko dahil hinayaan ko ang aking sarili na makulong sa rehas ng kalungkutan. Kahit na nasa harapan ko lang pala ang susi para makawala rito.


Nakita na lang niya ang sarili na nasa loob ng maliit na kapilya ng ospital.

Nakaluhod.

Umiiyak.

Humihingi ng tawad.

Humihingi ng isang himala.

Diyos ko. Patawarin Ninyo ako. Isinisi ko sa Inyo ang lahat. Imbes na lumapit, tinalikuran ko Kayo nang dahil sa poot na nararamdaman ko. Pinagsisisihan ko na ang lahat ng kasalanang nagawa ko.

Buong puso akong humihingi ng kapatawaran mula sa inyo. Huwag niyo pong kukunin sa akin si Hope, parang awa niyo na.

Kailangan ko siya.

Kailangan kong makabawi sa kaniya.

Kailangan kong iparamdam ang pagmamahal na hindi ko naibigay sa kaniya nang mahabang panahon.


Unti-unting gumaan ang kaniyang pakiramdam. Lahat ng galit at poot sa kaniyang puso ay tuluyan nang nawala.

Pagbalik niya sa labas ng ICU ay isang magandang balita ang ipinaabot ni Father Marcelito. Maayos na ang lagay ni Hope. Ligtas na ito sa kapahamakan.

Dahil sa sobrang tuwa ni Magdalena ay napayakap siya sa pari. Bumalik siya sa kapilya at nagpasalamat sa Diyos dahil dininig Nito ang kaniyang panalangin.

Nangako siya na hinding-hindi niya iiwan si Hope hanggang sa magising. Kagaya nang hindi nito pag-iwan sa kaniya noong nawalan siya ng pag-asa at pananampalataya. Nangako siyang aalagaan ito at ituturing bilang isang pamilya.

Nakangiti siya habang nagdarasal. Sa puso ni Magdalena, si Hope ang ginawang instrumento ng Diyos para masilayan niya ang ilaw na matagal na niyang hinahanap.

Hindi.

Si Hope mismo.

Si Hope ang nagsilbing ilaw sa madilim niyang mundo.

***

Ang maikling kuwentong ito ay opisyal kong lahok sa Saranggola Blog Awards 8.












Monday, November 7, 2016

Dungis

Written by: Michael Joe Gerona

All Rights Reserved 2011

***

Liwanag na dulot ng kadiliman,

apoy na nagmumula sa karagatan.

Ibong hindi makalipad,

isdang hindi makalangoy.



Piniringan ang mata sa katotohanan,

biningi ang tenga sa katahimikan.

Binigkis ang mga kamay

gamit ay telang makasalanan.



Pinipinta'y sariling imahe

na walang bahid ng anumang karungisan.

Ngunit kung iyong mamasdan,

puno ng yurak ang ginintuang larawan.



Ugat na pinanggagalingan ay dusa

bungang inani'y kabiguan.

Kailan magigising ang musmos

na hindi kilala ang pinagmulan.

Shadow

Written by: Michael Joe Gerona

All Rights Reserved 2011

***

I'm a prisoner of Loneliness

Full of anger, full of anguish.

I don't know who am I.

Like we don't know how to fly.



Seeing a man in the mirror,

with a blood on his hands.

Having nightmares every night,

afraid of being alone in the dark.



Hiding my fears in every smile,

whereas I feel feeble when I cry.

Living a life that full of prevarication.

Filled with ignorance and indignation.



Hatred at the depth of my soul,

wish to dissipate.

Love that has stolen from juvenile,

is the only thing I desire.

Tunay Kang Angel Sa Lupa

Written by: Michael Joe Gerona

All Rights Reserved 2012

***

Siyang nagluwal at nagbigay sa akin ng buhay.

Siyang nagkalinga't buong buhay sa akin ay inalay.

Nag-iisang babae na nagmahal nang walang katumbas,

Natatanging pag-ibig sa tuwina'y ipinamamalas.


Sa kaniyang abot langit na umis,

sa kaniyang halakhak na walang kasing tamis,

sa kaniyang tinig na sa aking lungkot ay pumapawi,

ay nagnanais at umaasa na marinig muli.


Ang salitang "salamat" marahil ay 'di sapat,

ang pagdulot sa iyo ng hinagpis ay 'di nararapat.

Isa kang perlas na pinahahalagahan,

makita kang lumuluha ay hindi hahayaan.


Sa munting handog na ito sana ay maiparating,

ang mga katagang matagal nang nais sabihin.

Mahal kita at patuloy kitang mamahalin,

Ipinagmamalaki kita, Ikaw ang aking bituin.

Agam-agam

Written by: Michael Joe Gerona

All Rights Reserved 2011

***

Nais kong kumawala sa magulong mundo na ito.

Hindi ko alam kung saan ang tama at alin ang totoo.

Nahihirapan ako at patuloy na nahihirapan,

Sasabay na lang ba sa agos o dapat nang labanan?



Labis na kalungkutan patuloy na nararamdaman,

'tila isang bata na naiwan sa gitna ng kadiliman.

Hinahanap ang sariling anino para lang may makasama,

ngunit kahit kanyang anino'y iniwan siyang mag-isa.



Maraming katanungan sa isip ay dala-dala,

naghahanap ng kasagutan, saan ba makikita?

Sa agos ng tubig nais magpatangay.

upang lahat ng ito'y matapos na nang tuluyan.



Sa paglipas ng panahon, maraming nagaganap.

Sa bawat oras na lumilipas at tuwing mga mata ay kukurap.

Kung tanging paglisan ang sagot sa lahat,

tatanggapin nang maluwag kung ito man ang nararapat.

Si Juan ang Bahala. Si Juan ang Kawawa.

Written by: Michael Joe Gerona

Nano Fiction (55 Words)

All Rights Reserved 2016

***

Malalim na paghinga ang pinakawalan ni Juan bago tuluyang markahan ang hawak na balota. Matagal niyang pinagdesisyunan kung sino ang ibobotong presidente. 

“Saan galing itong bigas at mga sardinas?” tanong ng buntis na asawa pag-uwi niya. 

“Huwag mo nang alamin. Ang importante, may kakainin tayo sa isang buong Linggo. Ako nang bahala sa susunod na anim na taon.”

Trip to Pilipinas

Written by: Michael Joe Gerona


Kuwentong Eleksyon


All Rights Reserved 2016


***


Galing sa pamamalimos, napadaan ka sa isang magarang bahay. Pinagmasdan mo ang kabuuan nito at sinabi sa sarili na sana balang araw ay magkaroon ka rin ng gan'ong klaseng tahanan. Natawa ka sa sarili dahil alam mong hanggang pangarap ka na lamang.

Bigla-bigla, ang atensyon mo ay napukaw ng mga ingay na nagmumula sa mga bata na nasa loob ng bahay. Magagara ang kanilang kasuotan at halatang may-kaya sa buhay.

Lumapit ka sa entrada upang makita ang ginagawa nila. Nakaramdam ka ng gutom sa iyong nakita. Nakatatakam na mga putahe ang nakahain sa mahabang mesa.

“Bata! Tara, sali ka sa amin,” tawag ng babaeng nakadilaw na bestida.
Dahil sa nais mong makatikim ng masarap na pagkain ay hindi ka nagdalawang-isip na ihakbang ang iyong mga paa.

Nakatitig ang lahat sa iyo habang naglalakad, ngunit hindi mo iyon alintana.
At dahil ang pakay mo ay ang makakain, mabilis kang tumakbo papuntang mesa. Pero pinigilan ka ng babaeng nakadilaw at ang sabi niya, “Mamaya ka pa kakain, tayo ay maglalaro muna.”

Nanghinayang ka ngunit wala kang magawa kung hindi ang sumunod sa nais niya. Kailangan mong tiisin ang nararamdaman at magpanggap na ayos ka.

“Kampi tayo, a? Itulak mo sila para sa akin,” aniya. Gan’on din ang sinabi niya sa iba pa.

Nagsimula nang tumugtog ang plaka at sumayaw ang iba. Nakatayo ka lang at hindi alam ang gagawin kaya’t nabangga ka niya.

“Umikot ka rin, sumunod ka sa ginagawa namin.”

Pinagmasdan mo sila at pasayaw silang umikot sa mga upuan. Dahil nahihiya ay naglakad ka lamang.

“Kung ano ang tugtog, siya ring dapat na sayaw.” Nakuha mo ang kanyang ipinahihiwatig kaya’t umindak ka na rin kasabay nila. Sa gitna ng iyong pag-ikot ay huminto ang plaka at mabilis na nagsi-upuan ang lahat, kasama ka.

Napalingon ka nang biglang may umiyak. Wala na siyang mauupuan kaya’t hindi na muling makaiindak.
Bawat may natatanggal ay napansin mong may nababawas din na silya. Hanggang sa laro ay tatlo na lamang kayong natira.

“Uy, itulak mo siya kapag naunahan niya akong umupo, a?” bulong ng babaeng nakadilaw na bestida.

“Akala ko ba magkakampi tayo?” ang sabi ng isa.

“Kanina ‘yon, hindi na ngayon.”

Muli kang sumabay sa indak. At para ang lalaki ay hindi na makaupo, itinulak mo ito nang tugtog ay huminto. Nakaramdam ka ng awa nang kaniyang luha’y nagsimulang tumulo.

“Hayaan mo siya. Ang importante, ako na ang siguradong mananalo.” Ngiti lamang ang isinagot mo.

Sa huling upuan ay nagpaubaya ka. Hinayaan mo siyang makaupo. Hinayaan mo siyang manalo.

“Puwede ka nang kumain, bata. Pero ‘yong nasa hiwalay na mesa ang para sa iyo.”

Iyon ang naging hudyat upang ang mga nakahain sa mesang tinutukoy niya ay isa-isa mong lantakan.

Nagpakasasa ka sa biyayang nasa iyong harapan. Ayaw huminto ng iyong bibig kahit na sumusuko na ang iyong katawan.

Bigla-bigla, pananakit ng tiyan ay iyong naramdaman.

Tinawag mo ang pansin ng babae ngunit sa iyo’y ‘tila wala siyang pakialam. Lumapit ka at itinanong kung ano ang dahilan ng pagkasira ng iyong tiyan.

“Tirang pagkain ‘yan noong isang araw. Mabuti at sa ‘yo ko muna ipinakain bago kay Bantay. Salamat, hindi nalason ang alaga ko.”

“Pero bakit?”

“Wala kang karapatang magtanong. Sa katulad mong mahirap, puwede na ‘yan.” Nakaramdam ka ng pagsisisi dahil naniwala ka sa kanya. Isinuka mo ang lahat ngunit huli na.

Dugo at Laman



Written by: Michael Joe Gerona


Nano Fiction (55 Words)


All Rights Reserved 2016


***


Patuloy ang pagdaloy ng aking mga luha habang pinagmamasdan ang kanyang bangkay sa loob ng kabaong.


Nasaksak siya ni Inay nang makita siyang nagpaparaos sa akin.


“Hindi ka na niya magagawang babuyin pang muli,” bulong ni Ate.


Wala na si Itay. Wala nang ama ang batang nasa sinapupunan ko. Wala na ang lalaking pinakamamahal ko.

Paruparo sa Disyerto



Written by: Michael Joe Gerona


Urban Fiction/ Street Lit/ Kuwentong Lansangan


Rated PG (May mga salitang hindi kaaya-aya at hindi para sa bata)


All Rights Reserved 2016


***


Nakatayo ka sa tapat ng isang mataas na gusali. Sa pusod ng maynila kung saan marami ang pilit na lumilipad gamit lamang ay isang pakpak. Suot ay magarang bestida na ipinamana pa ng iyong namayapang ina. Mistulang isang paruparo na naghahanap ng bulaklak sa disyerto. Nag-aabang ng mga parokyanong uhaw sa panandaliang ligaya, naghihintay ng mga dayuhang magbibigay ng mas malaking kita.


Halos hindi ka huminga nang dahil sa usok ng mga sasakyang dumaraan. Maingay ang mga batang naglipana sa lansangan. Nagkalat ang mga basura kung saan-saan, kagaya mo at ng iba pang mga babaeng hindi alam ang patutunguhan.


Sa iyong napakamurang edad ay hindi mo alintana ang dumi ng trabaho na iyong pinasok. Basta't kumita at magkaroon ng ilalaman sa sikmura kinabukasan ay ayos lang. Wala kang ibang nais kung hindi ang makaipon upang mas madali mong matagpuan ang iyong kapatid na halos isang taon nang nawawala. Bigla mo siyang naalala nang makita ang isang batang nakahiga sa kalsada. Puno ng grasa ang katawan at halos buto't balat na.


Marahang dumaloy ang likido mula sa iyong mga mata nang naisip mo na maaaring gan'on din ang kalagayan ng iyong mahal na kapatid sa mga oras na iyon. Pilit mong pinigil ang iyong emosyon at sinabi sa sariling... matapang ka. Hindi ka basta-bastang iiyak kahit na minsan ay nawawalan ka na ng pag-asa.


Sa kalagitnaan ng paghihintay ay may huminto sa iyong harapan na isang dayuhan. Napatingala ka. Matangkad, maputi, guwapo ngunit matanda na. May kasama siyang isang batang lalaki na halos kasing-edad mo rin.


Napangiti ka.


Natuwa, dahil ngayong gabi ay kikita ka ng mas malaki kaysa sa inaasahan.


Mayamaya pa ay nakita mo na lang ang iyong sarili sa isang malamig at magarang kuwarto. Walang saplot kagaya ng dalawang lalaki sa harapan mo. Pero bago mo pa man ibigay ang iyong sarili, ay may ipinalunok sa iyong tableta ang dayuhan. Wala kang ideya kung ano ito ngunit hindi ka nagdalawang-isip dahil ang tanging nais mo lang ay ang kumita. Bigla ka na lang nakaramdam ng pagkahilo na para bang ikaw ay lumulutang sa alapaap. Malabo ang lahat sa iyong paningin, hanggang sa hindi mo na maalala ang mga sumunod na nangyari.


Nagising ka na lang sa isang bangketa bandang alas-cinco ng umaga. Iniwang parang basura at nilagyan ang bulsa ng kaunting halaga. Mabigat ang iyong pakiramdam na para bang pasan mo ang daigdig. Hindi mo alam kung paano ka napunta sa ganoong sitwasyon kaya't pinilit mong makatayo. Hanggang sa makaramdam ka ng matinding pananakit ng puson.


Kahit na nahihirapan ay pinilit mong makauwi dahil siguradong masasabon ka na naman ng iyong tiyahin. Hindi ka nga nagkamali dahil hindi pa man tumutungtong ang isa mong paa sa kanyang bahay ay sinalubong ka na niya ng mga malulutong na mura. Wala kang nagawa kung hindi sikmurain ang masasakit na salita dahil kailangan mo siya. Kailangan mong tiisin ang lahat kahit na ilang beses na niyang ipinaramdam sa iyong pabigat ka at walang kuwenta. Dumiretso ka sa banyo upang maglinis ng katawan mula sa isa na namang maruming gabi ng iyong buhay. Bawat pahid at bawat punas ay may halong pandidiri. Tinatanggal ang amoy ng laway gawa ng paghalik sa iyong buong katawan.


Hindi pa rin nawawala ang iyong pamimilipit hanggang sa mapansin mo ang natuyog dugo sa iyong mga hita. Nanginig ka, at nanlaki ang mga mata. Hindi mo alam ang iyong gagawin, kaya’t napaluha ka. Dahil sa pagkataranta ay ipinasok mo ang kamay sa iyong hiyas dahil alam mong may hindi tama. Nakapa mo ang isang bagay saka mo ito hinila. Nakuha mo ang isang mahabang bagay na katulad ng sa ari ng mga lalaki. Naputol pala ang dulo nito't naiwan sa iyong puerta. Sa wakas ay nawala ang sakit at naging maluwag ang iyong paghinga. ***


Ilang linggo ang lumipas ay may nakita kang isang pamilyar na mukha. Sa isang mall kung saan ka posibleng makakuha ng parokyano. Mula sa malayo ay naramdaman mo ang kakaiba niyang saya. Hawak-hawak ang kamay ng isang ginang na para bang kumpleto na ang kanyang mundo.


Dahan-dahan kang lumapit upang siguruhin na hindi ka nagkakamali. Sinundan mo sila sa paglalakad hanggang sa ilang dipa na lamang ang layo mo sa kanila. Magkahalong saya at lungkot ang iyong nadama nang iyong makumpirma na siya nga ang iyong hinahanap. Masaya ka dahil sa wakas ay natagpuan mo na ang iyong kapatid. Malungkot, dahil kasabay noon ay nakita mo rin na hindi ka na niya kailangan sa kanyang buhay.


Gusto mong sabihin na mahal na mahal mo siya. Gusto mo siyang yakapin. Gusto mo siyang halikan. Pero hindi mo alam kung paano mo siya sisimulang lapitan. Bigla siyang lumingon at nagtama ang inyong mga mata, ngunit imbes na matuwa ay umiwas siya ng tingin. “Nonoy!” sigaw ng iyong puso. Nasaktan ka sa kanyang inasal ngunit pinili mong intindihin ang kanyang sitwasyon.


“Nonoy!”


Hindi mo namalayan na nabigkas mo na pala nang pagkalakas-lakas ang kanyang pangalan. Napalingon ang kasama niyang ginang at tinanong siya kung kakilala ka ba niya. Tanging pag-iling ang naisagot ng iyong kapatid, na siya naming ikinadurog ng iyong puso. Hindi mo magawang magalit dahil nangingibabaw ang pagmamahal mo sa kanya.


“Ay, ale. Nagkamali lang ho. Kamukha lang pala niya,” nanginginig mong wika sabay talikod sa kanilang dalawa.


Para bang gumuho ang iyong mundo sa nangyari. Gusto mong lamunin na lamang ng lupa. Pero pilit mong sinasabi sa sarili na tama lang ang nangyari dahil mas magiging maayos ang buhay niya sa piling ng iba. Kaysa sa iyo na isang puta.


Habang naglalakad ay muli kang nakaramdam ng matinding sakit mula sa puson. Hindi katulad noong mga nauna, mas matindi at mas maigting ang pananakit nito. Napahawak ka sa isang estante dahil pakiramdam mo ay babagsak ka anumang oras. Sa sobrang sakit ay bigla ka na lamang nawalan ng malay.


***


Nagising ka sa isang kuwarto na maraming aparatong nakakabit sa iyo. Pinipilit mong makatayo ngunit hindi kaya ng iyong katawan. Hinang-hina ka na para bang isang linggo kang hindi kumain. Hanggang sa makita mong pumasok ang iyong tiyahing umuusok ang ilong sa galit.


“T*ng ina ka talagang bata ka! Ano na naman ba ‘tong ginawa mo? Bakit may naiwang bakal diyan sa puki mo? Wala ka talagang kuwenta! Malas ka!”


Pinalabas siya ng doktor dahil sa kanyang ginawa, habang ikaw ay naiwang tulala dahil sa mga narinig. Dinagdagan pa ito ng doktor at sinabing nabubulok na ang iyong obaryo dahil sa bakal na naiwan sa katawan mo.


Nakaramdam ka ng takot. Ayaw mo pang mamatay, sa isang dahilan.


Dahil kay Nonoy.


Para kay Nonoy, pipilitin mong magbagong buhay. Gagawin mo ang lahat upang magtagumpay. At kapag maayos ka na, hindi ka na niya ikahihiya. Kapag maayos ka na, hindi ka na magdadalawang isip na yakapin siya at sabihing mahal na mahal mo siya.


Ikinuwento mo ang lahat sa isang nars na nagbabantay sa iyo. Nahabag siya sa kalagayan mo at nag-alok ng tulong na magsampa ng kaso sa pambababoy na ginawa ng dayuhan. Pero tumanggi ka. Sinabi mo na ayaw mo ng kahihiyan at iyon talaga ang trabaho mo. Ang magbigay ng aliw. Ang ibenta ang sariling laman. Ngunit sinabi niya na kahit isa kang puta, dapat kang i-respeto at may karapatan kang mabuhay.


Natanong mo sa iyong sarili, may karapatan ka bang mamalimos ng hustisya? Tama bang humingi ka ng respeto mula sa iba?


Wala kang karapatan! At hindi ka dapat i-respeto! Isa kang putang walang puwang sa mundo! Sigaw ng iyong konsensya.


Ikaw na mismo ang sumagot sa iyong mga katanungan. Hindi dahil iyon ang tama, kundi dahil iyon ang nararamdaman mo.


Sa huli, ay hindi ka pumayag sa ideya. Dahil natatakot kang malaman ng buong mundo ang iyong kuwento. Ang kuwento ng isang pagiging batang puta. At higit sa lahat, ay natatakot kang malaman ni Nonoy ang mga ginawa mo. Siya man ang dahilan kung bakit mo ibinenta ang iyong pagkatao, alam mong hindi niya iyon maiintindihan.


Sa kabila ng kagustuhan mong mabuhay ay unti-unti kang nanghina. Halos hindi ka na kumakain kaya’t malaki ang ibinagsak ng iyong katawan. Alam mong hindi ka na magtatagal kaya’t ipinaubaya mo na ang iyong buhay sa Maykapal.


Sa halos isang buwan mo sa ospital ay wala kang naging bisita, kaya’t nakaramdam ka ng tuwa nang malaman mong may naghahanap sa iyo. Halos lumundag ang iyong puso nang makita mo kung sino ang iniluwa ng pinto.


Si Nonoy. Ang mahal mong si Nonoy.


Umiiyak at humihingi ng tawad. Sinasabing mahal na mahal ka niya at huwag mo siyang iiwan. Wala kang naisagot kung hindi mahigpit na yakap at halik na puno ng pagmamahal.


Ipinikit mo ang iyong mga mata habang hawak-hawak ang kanyang kamay. Kahit huli na ang lahat, nakaramdam ka ng kapanatagan. Lilisanin mo ang mundo na puno ng pag-ibig. Tumulo ang iyong mga luha hindi dahil malungkot ka, dulot ito ng walang hanggang saya. Pagod na ang iyong katawan na mabuhay ngunit hindi ang iyong puso na magmahal. Ngayon ay malaya ka nang lumipad, gamit ang iyong dalawang pakpak.

Ang Kuwento ni Jude



Written by: Michael Joe Gerona


Deviance (Kuwentong taliwas sa nakasanayan ng mga tao)


All Rights Reserved 2016


***


Nagising ako sa malakas na pagdagundong ng paligid. Hudyat ito na matatapos na ulit ang isang buwang tag-gutom at tag-tuyot. Isang linggo muli kaming magiging sagana sa karne at malinis na tubig. Ibig sabihin ay hindi na ako magtitiis sa sarili kong ihi.


Hindi ko alam kung bakit kailangan naming mga Kristiyanong magtago, lumayo at manirahan sa ilalim ng lupa. Sinasabi ng pinakamaimpluwensyang relihiyon sa mundo, ang Satanismo, na dito kami nararapat.


Sa ilalim.


Sa impiyerno.


Sila lang ang may karapatang manirahan sa langit, kasama ang kanilang Diyos. Habang kami ay makatatanggap ng walang hanggang pasakit. Kami ay parurusahan sa hindi namin pagyakap sa kanilang paniniwala. Pero hindi pa ba pasakit ang nararanasan namin ngayon? Hindi pa ba ito ang impiyerno? May mas sasahol pa ba rito?


Nagsindi ang aming Santo Papa ng sulo para sa mga bisita. Para sa mga bisita lamang. Maski kasi ito ay tinitipid namin para paghandaan ang pagdating ng tulong mula sa mga tagalabas. Ngunit para sa akin ay hindi iyon tulong na maituturing, dahil ang pagbibigay nila ng aming pangangailangan ay may hinihinging kapalit. At ito ay ang pagtanggap namin sa kanilang Diyos.


Nagsimula nang basahin ni Sister Lilith ang sariling bersyon ng kanilang bibliya. Ang pangunahing laman ng kaniyang pangaral ay patungkol sa tunay at matagal nang nawawalang bersyon ng bibliya. Ito raw ay natagpuan sa Israel at sinasabi roon na si Hesus ay isa lamang pekeng mensahero. Ang Diyos na ipinakilala Nito sa lahat ay isang huwad. Dagdag pa niya, ang lahat ng milagrong nagawa ni Hesus ay isang malinaw na palabas lamang. At ang tanging makapagliligtas sa aming mga kaluluwa ay ang pagsanib sa kanilang relihiyon.


Sa pagtatapos ng kanilang pangaral ay sinabi niya, ‘’Ang kampon ng kasamaan ay magaling manlinlang.” Katulad iyon ng sinasabi sa akin ni Itay noong nabubuhay pa siya. Na gagawin ng iba ang lahat para lamang linlangin at pagsamantalahan ang aking pananampalataya. Dahil sa matibay ang paniniwala ay hindi nila maimpluwensyahan ang nakararami sa amin. Pero habang nagsasalita si Sister Lilith, napaisip ako. Paano kung totoo ang lahat ng sinasabi niya? Paano kung kami pala talaga ang nalinlang?


Panandaliang naalog ang aking pananampalataya. Dahil na rin siguro sa kagustuhan kong makalaya sa madilim na mundong kinasasadlakan ko. At dahil na rin siguro sa kagustuhan kong makita ang ibang anggulo ng buhay na mayroon sa ibabaw ng lupang kinalakihan ko. Noong tanungin ni Sister Lilith kung sino ang boluntaryong sasama upang tanggapin ang kanilang relihiyon ay lakas-loob akong nagtaas ng kamay. Wala na rin naman ang aking pamilya. Patay na si Itay, habang ang Ina ko naman ay namatay sa panganganak. Tanging sa larawan ko na lamang siya nakita. Kaya kung tutuusin, wala na akong dahilan upang manatili pa rito. Matagal na akong nagtitiis. At sawang-sawa na ako.


Napansin ko ang malaking ngiti na gumuhit sa labi ni Sister Lilith. Masayang-masaya siya sa naging desisyon ko. Iyon kasi ang kauna-unahang may nagboluntaryo sa grupo namin. Kasabay noon ay ang kalungkutang nangibabaw sa mukha ng mga dati kong kasamahan sa pagiging Kristiyano. Pero tinanggap na rin nila dahil kung walang magboboluntaryo ay sapilitan silang kukuha ng isa sa amin.


Lumapit silang lahat sa akin at binigyan ako ng isang mahigpit na yakap. Isang yakap ng pamamaalam. Alam kong malabo ko na silang makita pang muli oras na i-apak ko ang aking mga paa sa ibabaw ng lupa. Tanging mga alagad lamang ng simbahan ng Satanismo ang may karapatang pumunta sa ilalim upang manghikayat.


Pilit kong inaalis sa aking dibdib ang kirot na nararamdaman ko. Marahil dala iyon ng naglalaban kong konsensya. May parte kasi ng utak ko ang nagsasabing, hindi dapat ako nagpadalos-dalos. Pero nandito na ito. Kailangan kong panindigan ang naging desisyon ko. Sakay ng tinatawag nilang karawahe ay naglakbay kami patungo sa simbahan na aking magiging tirahan. Pinagbawalan ako ni Sister Lilith na sumilip sa bintana at pagmasdan ang kapaligiran. Hangga’t hindi raw ako nabibinyagan ay mahigpit na ipinagbabawal na makita ang itinuturing nilang bagong paraiso.


Nakatulog ako sa biyahe at nang magising ay nasa loob na ako ng kanilang simbahan. Hindi ko inasahan na ganoon pala kaganda ito. Ang buong paligid ay punong-puno ng mga ulo ng usa. Buhay na buhay ang hitsura ng mga ito na para bang nakikipag-usap sa iyo. Nang tingnan ko ang aking tinatapakan ay napansin ko ang kaaya-ayang itim at puting mga parisukat. Sa aking harapan ay isang napakalaking krus na nakabaliktad.


Mayamaya ay lumapit sa akin ang isang matandang lalaki. Kasunod niya si Sister Lilith at tatlo pang lalaki. May hawak silang timba at ang isa naman ay ginintuang punyal. Lahat sila ay may itim at mahabang kasuotan.


“Siya ba ang magiging bago nating kapatid?” tanong ng matandang lalaki kay Sister Lilith. “Opo,” matipid nitong sagot. “Ipasok ang traydor at simulan na natin ang seremonya ng pagtanggap.”


Isang malaking katanungan ang pumasok sa aking isipan. Sino ang traydor na tinutukoy niya at anong kinalaman niya sa gaganaping pagtanggap sa akin bilang isang Satanista?


Kaagad akong kinabahan sa maaaring mangyari. Hindi nagtagal ay isang tao ang hila-hila ng mga lalaking naka-itim. Nagpupumiglas siya ngunit wala siyang magawa upang makatakas dahil nakatali ang kaniyang mga paa’t kamay. Ang kaniyang ulo ay may nakatalukbong na itim na tela.


Lumapit sa akin ang matandang lalaki at si Sister Lilith na hawak ang ginintuang punyal. Bumigkas ang matandang lalaki ng isang dasal at inilubog ang punyal sa isang kopitang puno ng dugo. Iniabot niya ito sa akin at inutusang patayin ang sinasabi niyang traydor.


Hindi ako kaagad nakagalaw dahil sa pagkabigla. Hindi iyon ang inaasahan kong mangyayari at hindi ko ginustong pumatay para lang patunayan ang aking pananampalataya. Mali ang lahat ng nangyayari. Maling-mali.


“Hindi ko kaya,” lumuluha kong pagtanggi sa iniuutos niya.


“Alam kong hindi mo kaya. Pero oras na makilala mo kung sino ang taong ito, sigurado akong kakayanin mo. At gugustuhin mo siyang patayin,” makahulugang tugon ng matandang lalaki.


Hinila niya ang telang nagsisilbing takip sa mukha nito. At laking gulat ko nang makilala kung sino iyon.


Si Inay. Pinatanda na siya ng panahon ngunit alam kong siya iyon.


Halos pagbagsakan ako ng langit at lupa. Buong buhay ko pala ay hindi naging tapat sa akin si Itay. Hindi ko alam ang dahilan niya ngunit masakit para sa akin ang paniwalain sa isang bagay na sa huli ay malalaman kong hindi naman pala totoo. Ang sakit. Ang sakit-sakit. At ngayon, naiintindihan ko na. Iniwan ng babaeng nasa harapan ko ang pamilya niya upang takasan ang mahirap na buhay sa ilalim ng lupa. Tinalikuran niya ang sariling pananampalataya at kinalimutan ang obligasyon para lamang makaranas ng ginhawa. Ngayon alam ko na kung bakit ako nandito ngayon. Dahil nagmana ako sa kanya. Handang talikuran ang lahat sapagkat ayaw nang magtiis sa hirap.


Dali-dali kong kinuha ang punyal at itinarak sa kaniyang dibdib. Tumutulo ang luha niya habang nakatitig sa akin. Iniwas ko ang aking tingin dahil ayaw kong magsisi.


Iyon ang nararapat sa kaniya. Ang mamatay! Hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko. Para iyon sa pag-iwan niya sa akin. Sa amin.


Pero bakit walang tigil ang pagpatak ng luha ko? Bakit parang kinukurot ang puso ko? Pilit kong sinasabi sa aking sarili na hindi ko dapat pagsisihan ang aking ginawa. Pero bakit ayaw tumigil ng punyetang luhang ito?


“Isa ka nang ganap na Satanista,” ani ng matandang lalaki, sabay tawa nang malakas. “Satanista.”


“Satanista.”


“Satanista.”


“Satanista.”


Paulit-ulit na umalingawngaw sa aking isipan ang katagang iyon. Para akong nakalutang sa ulap. Umiikot ang mundo. Wala sa sarili.


Patuloy pa rin ang pagbagsak ng aking mga luha. Napagtanto ko bigla na hindi iyon ang itinuro sa akin ni Itay noong bata pa ako. Sinabi niya sa akin na huwag akong magtatanim ng galit sa aking puso, dahil magdudulot iyon ng trahedya. At ito na nga, nangyari na.


“Hindi,” bulong ko.


“Hindi ako isang Satanista! Ibalik niyo ako sa ilalim! Ayaw ko na rito!” Hindi ko napigilan ang aking sarili. Gusto kong tumakbo. Gusto kong tumakas.


“Isa ka ring traydor! Katulad ka rin ng iyong ina!” panggagalaiti niya. “Ipasok ‘yan sa rehas!” Dali-dali akong hinawakan ng dalawang lalaki. Nagpupumiglas ako ngunit masyado silang malakas para sa akin. Wala akong nagawa kung hindi ang lumuha at magsisi.


“Sister Lilith, dalhin mo ang katawan ng babaeng ito sa imbakan. Ipapakain natin iyan bukas sa mga Kristiyano.”


“Opo, mahal na Lucifero,” tugon nito.


Kaya pala buwan bago nila kami bigyan ng tulong, para gutom na gutom kami. Para hindi na namin alintana kung saan galing ang aming kakainin.


Dinala nila ako sa isang maliit at madilim na kuwarto. Masikip. Mabaho. Parang bumalik ang lahat sa akin noong nasa ilalim pa ako ng lupa, ang kaibahan lang, ngayon ay mag-isa lamang ako. Sa tuwing ipinipikit ko ang aking mga mata ay nakikita ko ang aking ina habang lumuluha ng dugo. Nakatitig sa akin. Kinokonsensya ako.


***


Natauhan na lang akong may nakatalukbong sa aking mukha at may busal ang bibig. Kinakaladkad nila ako na para bang isang hayop. Narinig ko na lang ang mga boses nina Sister Lilith at ng matandang lalaki. Parang naulit lang ang mga nangyari noong oras na pinatay ko ang aking ina. Ngunit ngayon, ako naman ang papatayin.


Mayamaya pa ay may nagtanggal ng talukbong sa mukha ko. At nakita ko kung sino ang taong tumalikod sa pagiging isang Kristiyano. Ang taong kagaya ko na nagsawa na sa hirap ng buhay sa ilalim ng lupa. Ag taong papatay sa akin upang maging ganap na Satanista. Ang aming Santo Papa.


Nakita ko ang kagustuhan niyang patayin ako. Nakita ko iyon sa nag-aalab niyang mga mata. Itinarak niya ang punyal sa aking katawan nang paulit-ulit. Sa dibdib. Sa tiyan. At sa dibdib ulit.


Naramdaman ko ang bawat pagtarak nito. Pero hindi ako nasaktan. Tinanggap ko iyon dahil iyon ang nararapat sa katulad kong tumalikod sa pananampalataya. Iyon ang nararapat sa katulad kong pinatay ang sariling ina.


Unti-unti akong nanghina at tuluyan na ngang bumagsak sa sahig. Hinahabol ko ang aking hininga habang nanlalabo ang paningin.


Bago ko ipikit ang aking mga mata ay nakita ko ang aking mga magulang. Magkasama. Inilahad ni Inay ang kaniyang kamay at inabot ko naman ang sa akin. Nang magdikit ang aming mga kamay ay bigla akong nakakita ng pangitain.


Nakita ko ang aking ina na umiiyak, hawak ang isang sanggol. At ang sanggol na iyon ay walang iba kung hindi ako.


“Ako na lang. Ako na lang ang kunin ninyo,” sigaw ni Inay.


Bigla na lang nawala ang pangitain at bumalik ako sa paghihingalo. Hinang-hina man ako ngunit ramdam ng puso ko ang pagsisisi. Hindi ako iniwan ni Inay. Hindi niya kami iniwan. Bagkus ay nagsakripisyo siya para sa akin.


“Diyos ko, patawarin ninyo ako sa nagawa kong kasalanan. Tinalikuran ko kayo. Ikinahiya. Pinagdudahan. Hindi ako karapatdapat na maging anak ninyo. Hindi ako karapatdapat sa kaharian ninyo. Alam kong huli na, pero buong puso akong humihingi ng kapatawaran sa inyo.”


***


Nagising ako sa isang lugar na hindi sa akin pamilyar. Tumayo ako at pinagmasdan ang kabuuan ng paligid. Nabuhay ako sa dilim kaya’t nabighani ako sa taglay na ganda nito. Ang buong lugar ay puno ng mga damo’t bulaklak na sumasayaw kasabay ng pag-ihip ng hangin. Ang mga ibon ay malayang nakalilipad sa himpapawid.


Nakita ko sina Inay at Itay na palapit sa akin. Nakangiti. Maaliwalas ang mukha.


“Patawarin niyo po ako,” buong puso kong paghingi ng tawad.


“Hindi mo kailangang humingi ng kapatawaran sa amin. Sapat na ang paghingi mo ng tawad sa Kanya,” masayang tugon ni Inay sabay yakap sa akin.


“Sumama ka sa amin. Mabubuhay tayo ng magkakasama at mapayapa sa kaharian Niya,” si Itay. Niyakap ko siya nang mahigpit.


“Hindi ako karapatdapat.”


“Walang sinuman sa atin ang karapatdapat. Pero dahil mahal ka niya, mahal niya tayo, bukas ang pintuan ng kaniyang tahanan para sa ating lahat.”


Hinawakan nila ang aking magkabilang kamay at sabay-sabay kaming naglakad patungo sa lugar na sinasabi nila. Masaya. Punong-puno ng pag-asa at pagmamahal. Kahit sa huling saglit ng aking buhay, bumalik ang pananampalataya at pagmamahal ko sa Kaniya.

Si Kaks at Ang Tatlong Grace ng Kaniyang Buhay



Urban Fiction/ Street Lit/ Kuwentong Lansangan


Written in Reverse Chronological Order


Rated PG (May mga salitang hindi kaaya-aya at hindi para sa bata)


***


Madumi. Mabaho. Pinandidirian.


Nakangangang natutulog si Kaks sa pinagdikit-dikit na karton sa isang bangketa na tinatapunan ng mga basura ng tao. Mga basurang marumi sa paningin. Walang mapaglagyan kaya’t itinatambak na lang kung saan. Kagaya ng mga kalat sa tabi niya, sa paningin ng nakararami ay isa siyang basura. Taong grasa kung tawagin ng iba.


Nilalangaw ang marumi niyang katawan. Dinadaanan ng mga Manilenyong nagmamadali sa pagpasok sa kanilang trabaho. May ilang naghahagis ng barya sa tabi niya. Marahil ay naaawa sa kaniyang sitwasyon. Pero mas marami ang walang pakialam.


Nagising siya nang hampasin at murahin ni Mang Tikboy. “P*ki ng ina ka talagang baliw ka! Dito ka na naman umihi at tumae. Punyeta.”


Doon din kasi natutulog ang matandang pulubi. Ang usap-usapan, pinabayaan na ito ng mga anak dahil babaero raw noong araw. Kawawang matanda.


“O, tumayo ka na. Kainin mo ‘tong tira kong pansit.” sabay abot ng isang supot na may lamang pansit. Ganyan lang talaga ang bibig niyan, pero mabait naman. Ayaw pang aminin na binili talaga niya ang pansit para kay Kaks. Wala pa kasing bawas. Tumayo si Kaks pero hindi pinansin ang matanda. Naglakad siya papunta sa tapat ng isang hindi pa nagbubukas na establisyamento. Sinundan ko siya. Napansin ko na tumutulo na naman ang kaniyang luha. Ramdam ko ang lungkot sa kaniyang mga mata. Nakita ko kay Kaks ang isang taong tuluyan nang nawalan ng pag-asa sa buhay. Nakakalungkot pero isa si Kaks sa biktima ng masalimuot na mundo. Hindi ko alam pero nasanay na ako sa kaniya. Sa tuwing magigising siya, awtomatiko na ang kaniyang pag-iyak. Siguro dahil sa tatlong Grace na naging bahagi ng buhay niya.


***


“Grace!”


“Grace!”


Lahat ng babaeng maganda na makakasalubong ni Kaks, Grace ang tawag niya. Kapag lumingon, ngingitian niya. Ilalabas niya ang sira-sirang ngipin habang kukurap-kurap ang mga mata. Halos lahat, matatakot. Mandidiri, tatakbo at lalayuan siya. Maliban sa isa.


“Hi, Kaks. Sabi naman sa ‘yo, hindi Grace ang pangalan ko, e.” Tinanggap ng babae ang bulaklak na ninakaw pa ni Kaks sa Dangwa. Abot-langit ang ngiti niya. Masaya ako para sa kaniya dahil sa wakas ay may isang babaeng hindi siya pinandirihan. Kahit na simpleng pagtanggap lang ng bulaklak ang ginawa nito ay malaking bagay na ito para kay Kaks, para sa akin. Pero bigla na lang may bumato kay Kaks mula sa likod. Pinagsusuntok siya. Walang laban siyang binugbog ng tatlong kabataang lalaki. Walang awa siyang sinaktan. Nakatingin lang ang mga tao sa paligid habang pinagsisipa siya ng mga ito. Iyong ibang mga estudyante, parang tuwang-tuwa pa sa ginagawa kay Kaks. Mayroong kumukuha ng video. Iyong tindero ng sorbetes aawat sana pero biglang may bumili sa kaniya. Narinig ko ang pag-iyak ni Kaks at ang pagmamakaawa ng babaeng estudyante. Pero para silang walang puso dahil hindi nila tinigilan si Kaks hangga’t hindi sila nakakakita ng dugo. Tumigil lang sila noong hindi na gumagalaw si Kaks.


Inisip kong napatay nila si Kaks. Galit na galit ako, pero wala akong magawa. Nakita kong hinihila ng isang lalaki ang babaeng estudyante. Umiiyak ito habang papalayong tinatanaw ang walang malay na si Kaks. Hindi ko alam kung bakit ginawa iyon ng mga lalaki. Pero iyon na ang huling araw na nakita ko ang estudyanteng Grace. Iyon na rin ang huling araw na nakita kong ngumiti si Kaks.


***


“Grace!”


Tumatakbo akong lumapit kay Kaks. Hawak niya ang isang mangkok na puno ng mga tira-tirang pagkain. Pagkalapag na pagkalapag niya ay kaagad ko itong sinunggaban. Habang kumakain ako ay hinihimas-himas pa niya ang aking ulo.


“May trabaho na ako, Grace. Sa susunod, hindi na tira-tira ang kakainin mo,” masaya niyang balita sa akin. Nakaramdam ako ng tuwa, hindi dahil sa hindi na tira-tira ang kakainin ko. Mas higit ang aking kasiyahan dahil unti-unti nang nagkakaroon ng direksyon ang kaniyang buhay. Magandang senyales iyon dahil sa wakas ay dahan-dahan na siyang bumabangon sa pagkakadapa.


Dinilaan ko ang kaniyang kamay pagkatapos kumain.


Niyakap niya ako.


Parehas kami ni Kaks noong panahon na nadampot niya ako sa daan.


Mag-isa.


Malungkot.


Naliligaw.


Nagugutom.


Masuwerte ako dahil pinagtagpo kami ng tadhana. Nagkaroon ako ng pamilya. Mahal na mahal ko siya. At alam kong mahal niya rin ako. Sa kabila ng hirap na dinanas niya sa pakikipagsapalaran sa Maynila ay hindi niya ako kailanman pinabayaan. Ako ang kasama niya sa hirap at ginhawa. Ako ang kasama niya sa dilim at sa liwanag. Saksi ako sa mga sakripisyong ginawa niya para lang sa babaeng minahal niya higit pa sa kaniyang buhay. Si Grace.


Grace din ang ibinigay niyang pangalan sa akin. Para raw hindi niya makalimutan kung bakit siya nabubuhay. Kung bakit siya nakikipagsapalaran sa Maynila. Sa tuwing umiiyak si Kaks, si Grace ang dahilan. Ikinikuwento niya sa akin kung paano nagsimula ang kanilang pagmamahalan. Pero hindi ang pagtatapos nito. Una, hindi na puwede. Pangalawa, hindi na kailangan dahil saksi ako rito. Saksi ako noong gumuho ang kaniyang mundo dahil kay Grace.


Ilang beses niyang ikinuwento sa akin kung bakit siya lumuwas ng Maynila kahit alam niyang wala siyang matutuluyan. Dahil sa pag-ibig. Dahil kay Grace. Sabi niya, kapag true love daw kasi, dapat ipaglaban. Hindi dapat hinahayaang mawala. Kaya kahit na walang kasiguruhan, sinundan niya sa Maynila si Grace. Sumugod siya sa giyera na walang dalang baril. Kahit kutsilyo, hindi siya nagdala. Lahat ng trabaho, sinubukan niya para lang tumagal sa Maynila. Kahit ‘yong mga bagay na ni sa hinagap ay hindi niya naisip na magagawa.


“Psst.”


“Psst.”


“Pogi, nagpapach*pa ka?”


“O, ito ang isandaan. Sarap ng b*rat mo, a.”


Pagkatapos noon, pagsisisihan niya. Pero kapag kailangan na naman niya ng pera, papayag ulit siya. Nakatingin lang ako habang ginagamit siya nang paulit-ulit. Habang inaabuso ang kahinaan niya. Habang sinasamantala ang pangangailangan niya. Isang araw, nagmamadali siyang tumakbo dahil may nakita siya sa isang club na nadaanan namin. Sabi niya sa akin, dalian ko raw. Sumunod naman ako. Nilapitan niya ang isang magandang babae. Luwa ang dibdib at halos makita na ang singit sa iksi ng saluwal. Naninigarilyo ito habang nakatingin sa kawalan.


“Grace,” garalgal na sambit ni Kaks. Nagulat ang babae na parang nakakita ng multo. Itinapon nito ang hawak na yosi at tinapakan.


“Kaks?” Tumingin siya sa loob ng club at biglang hinawakan ang braso ni Kaks. Hinila siya nito hanggang sa mapunta sila sa isang eskinita na tabi ng isang mabahong kanal. Sumusunod lang ako sa kanilang dalawa.


“Anong ginagawa mo rito? Paano mo ako nahanap?” pagtataka ni Grace. Mahina lang ang boses nito. Parang may tinataguan. Hindi sumagot si Kaks. Niyakap niya si Grace. Hindi ko alam na umiiyak na pala siya. “Ang tagal kitang hinanap. Ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ito,” hagulgol ni Kaks.


Masaya na sana ako para sa kanilang dalawa pero napansin ko na iritable ang mukha ni Grace. Hindi niya gustong magpahanap. Hindi niya hinihintay ang pagkakataong iyon.


Bigla akong naawa kay Kaks. Gusto kong sabihin na hindi mali na nagmahal siya nang totoo. Mali lang siya ng minahal.


“Teka nga. May asawa na ako. Baka makita tayo.”


Nakita ko ang pagkagulat ni Kaks. Tumigil siya sa pagyakap kay Grace at biglang natulala. Lumapit ako kay Kaks. Dinilaan ang binti niya. Gusto kong iparamdam sa kaniya na palagi lang niya akong nasa tabi. Na hindi ko siya iiwan.


“Bakit?” matigas na tanong ni Kaks.


“Anong bakit?”


“Bakit hindi mo sinabi? Bakit hindi ka sumulat?” hagulgol niya.


“Para saan pa? Kaya nga nagpunta ako ng Maynila para iwanan ka.”


Sa narinig kong iyon mula kay Grace, gusto ko siyang sakmalin. Gusto kong ipaghiganti si Kaks. Pero alam kong ayaw ni Kaks na masaktan ang babaeng pinakamamahal niya kaya hindi ko ginawa.


Tumalikod si Kaks. Umiiyak habang naglalakad. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya, pero sigurado ako na nasasaktan ang puso niya. Nakayuko siyang tumawid ng kalsada. Umiiyak pa rin. Nakarinig ako ng isang napakalakas na busina mula sa aking kanan. Nakita ko ang isang paparating na truck at mahahagip nito si Kaks. Dali-dali akong tumakbo upang iligtas ang taong nag-alaga sa akin. Ang taong nagmahal sa akin. Ang taong nagbigay sa akin ng buhay. Sinunggaban ko siya kaya’t natumba siya at masuwerteng nakaligtas sa aksidente.


Pero ako. Nahagip ako ng truck na muntik nang kumitil sa buhay ni Kaks. Tumalsik ako sa malayo at nagpagulong-gulong. Pinilit kong lumaban. Pinilit kong mabuhay. Ayaw ko kasing iwan si Kaks sa panahong kailangan na kailangan niya ako. Gusto ko siyang samahan sa lungkot. Sa pighati. Sa sakit. Pero siguro nga, hanggang doon na lang ang papel ko sa buhay niya.


Pilit akong isinasalba ni Kaks, pero unti-unti na akong nanghihina. Iyon ang unang beses na nakaramdam ako ng lungkot sa ilang taon naming pagsasama. At ang pagkakataong iyon ang huling beses na nakita kong matino si Kaks.

Aids Doesn't Matter

Written by: Michael Joe Gerona

Romance/Inspirational

Theme: Fear

All Rights Reserved 2016

***

Noon pa man, palagi ko nang iniisip kung ano ang magiging hitsura ko kapag ako ay ikinasal. Dahan-dahan akong maglalakad sa gitna ng simbahan, patungo sa lalaking mamahalin ko nang panghabambuhay. Gusto ko, punong-puno ng makukulay na bulaklak ang paligid. At ang magiging saksi lamang ay ang aking pamilya at ilang malalapit na mga kaibigan. Pero alam kong malabo nang mangyari pa ang lahat ng iyon. Hindi na matutupad pa ang matagal ko nang pinapangarap. At tanggap ko na ang katotohanang ito.

Masuwerte ang mga babaeng naranasan at mararanasan ang ikasal. Ang mangako ng walang hanggang pagmamahalan kasama ang kanilang minamahal. Aaminin ko, naiinggit ako sa kanila. Inggit na inggit. Para bang ninakawan ako ng karapatang maging masaya. Parang inagaw ang pagkababae ko.

Hindi ko namalayan ang pag-agos ng aking mga luha. Halos araw-araw akong ganito. Bigla ko na lang makikita ang sarili ko na umiiyak. Alam ko ang dahilan, at matagal ko nang sinabi sa sarili ko na tanggap ko na ang lahat. Ngunit hindi ko alam kung bakit patuloy pa rin akong nasasaktan.

Sa gitna ng aking pagdadalamhati ay pumasok si Victor sa kuwarto kung saan ako naka-confine. Siya na lang ang natira sa napakarami kong manliligaw. Siya na lang ang hindi sumuko. Simula kasi nang malaman na ako ay isang Aids Carrier ay bigla akong iniwasan ng lahat. Maging ng mga tinuturing kong kaibigan. Sa isang iglap, nawala ang mga taong inaakala kong hindi ako iiwan. Mga taong kasama ko sa liwanag, ngunit maglalaho rin pala sa oras ng dilim. Pero si Victor, siya lang ang bukod-tanging hindi ako binitiwan. Siya lang ang natatanging mahigpit na kumapit sa aking mga kamay, kahit ako na mismo ang kusang bumibitaw.

Nakuha ko ang sakit na ito sa aking mga namayapang magulang. Inilihim ito ng mga taong nag-aruga sa akin dahil ayaw nilang mabuhay ako na puno ng takot. Ayaw nilang malaman ko na ang mga magulang ko ay ginupo ng karamdamang walang lunas. Ngunit tunay ngang walang lihim na hindi nabubunyag dahil ngayon, ako naman ang unti-unting ginugupo nito. At ang bagay na iniiwasan nila ay siya ngayong nararamdaman ko. Punong-puno ako ng takot. Takot na mahusgahan at takot na buksan ang puso sa pagmamahal.
Hawak ni Victor ang isang tray kung saan nakalagay ang isang mangkok, isang basong tubig, isang saging at isang kumpol ng rosas.

“O, umiiyak ka na naman. Sabi ko naman sa iyo, masama sa iyo ang palaging umiiyak, e. Bukod sa nakakaubos ng lakas, nakakaubos pa ng ganda,” nakangiti niyang bati sa akin. Inilapag niya ang tray sa mesa na nasa tabi ng aking kama. Kinuha niya ang rosas at saka inabot sa akin ngunit hindi ko iyon tinanggap.

Umiwas ako ng tingin at saka pinunasan ang aking luha.

Nagpapasalamat akong hindi niya ako iniwan, pero pilit kong inilalayo ang aking sarili kay Victor. Simula nang malaman ko ang aking sakit ay doon ko nakita ang halaga niya sa akin. Doon ko unti-unting naramdaman na may karamay ako. At ngayon, masasabi kong mahal na mahal ko na siya. Pero kahit na mahal ko siya, kailangan ko siyang ipagtabuyan dahil ayaw kong madamay siya sa pagsubok na pinagdaraanan ko.

“Bakit ikaw ang nandito? Nasaan si Ninong?” matabang kong tanong sa kanya.

“May binili lang, papunta na rin siguro iyon dito.” Lumapit siya sa akin dala ang mangkok na may lamang lugaw.

“Kumain ka na, para makainom ka ng gamot.” Akma niyang isusubo sa akin ang isang kutsara ng lugaw ngunit iniwas ko ang aking bibig dito.

“Ayaw mo ba ng lugaw? Sandali, tatawagan ko si Tito para magpabili ng pagkain. Ano bang gusto mong kainin? Prutas?” Tumayo siya at inilapag ang mangkok sa mesa.

“Ano ba kasing ginagawa mo rito? Parang awa mo na! Huwag ka nang magpakita sa akin!” bulyaw ko, pakiramdam ko kasi ay mas lalo akong nahuhulog sa kanya. Mas lalo tuloy akong nahihirapan na itaboy siya. Ngunit ‘tila ba kahit anong pagtataboy ang gawin ko sa kanya ay walang epekto.

“Minamahal ka. Masama bang patunayan ko na mahal kita?” nakangiti niyang tugon.
Parang kinurot ang puso ko sa sinabi niya. Gusto kong sabihing, mahal na mahal ko siya pero natatakot ako. Ayaw kong makulong siya sa pagmamahal na walang kasiguruhan. Ayaw kong dumating ang panahon na iiwan ko siyang mag-isa dahil sa hindi na kaya ng katawan ko. Natatakot akong husgahan ng mga tao ang pagmamahalan namin.

“Wala ka bang utak? May Aids ako!” naluluha kong bulyaw sa kanya.

“Siguro nga, wala akong utak. Pero hindi naman iyon ang ginagamit kapag nagmamahal ‘di ba?”

“Hindi ‘yan pagmamahal… kundi awa,” bulong ko.

“Kung natatakot kang magmahal dahil sa sakit mo… ako hindi. Subukan mong sumugal, Rebecca. Hayaan mo akong alagaan at mahalin ka.”

Hindi ko na napigilan ang aking luha na kanina pa nagbabadya. Hinayaan kong ibuhos ang lahat ng sakit at lungkot na nararamdaman ko. Umaasang kasabay noon ay mawawala na rin ang takot sa aking puso.

Naramdaman ko na lang ang mahigpit at mainit na yakap ni Victor. Naramdaman ko ang kapanatagan sa kanyang mga bisig. Siguro nga, hindi mawawala ang takot pero kung hahayaan ko ang aking sarili na magmahal at mahalin, kahit paano ay mababawasan ito.

***

Hindi ko mapigilan ang sarili na mapaluha habang dahan-dahang naglalakad sa gitna ng simbahan. Sa dulo noon ay nag-aabang si Victor na siyang maghahatid sa akin sa altar.

Nakita ko sa mga mata ng aking pamilya, gan’on din sa pamilya ni Victor, na masaya sila para sa amin. Napakaraming bulaklak sa paligid na nagpapaalala sa akin na makulay ang aking buhay dahil sa pagmamahal.

Sa wakas ay natupad na rin ang matagal ko nang pinapangarap. Ang ikasal sa taong makakasama ko habang nabubuhay pa ako. Sa lalaking naging dahilan kung bakit ako patuloy na lalaban para mabuhay. Hindi ko man sigurado kung gaano katagal ko pa siyang makakasama, pero kaya kong ipagmalaki na tunay at wagas ang nararamdaman ko para sa kanya. At hindi magbabago iyon hanggang sa aking huling hininga.

Siguro nga, dapat ay matagal ko nang binuksan ang aking puso sa napakaraming posibilidad. Kung husgahan man ng iba ang pagmamahalan namin, hindi ko na dapat inisip pa iyon.

Basta’t ang importante ay mahal ako ni Victor… at mahal na mahal ko siya.